Diskurso PH
Translate the website into your language:

Lucio Co Group tuluyang binili ang PrimeWater ng Villar

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-12-17 08:35:53 Lucio Co Group tuluyang binili ang PrimeWater ng Villar

December 16, 2025 — Kumpirmado na ang pagbili ng Lucio Co Group sa Villar-led PrimeWater Infrastructure Corp., matapos lagdaan ang kasunduan para sa 100% acquisition ng kumpanya. Ang transaksyon ay isinagawa sa pamamagitan ng Crystal Bridges Holding Corporation, investment firm ng pamilya Co, na pinamumunuan ni Vincent Co, anak ni Lucio Co at chairman ng Puregold heir group.

Sa pahayag ng Villar Group, sinabi nilang, “Crystal Bridges Holding Corporation of the Lucio Co Group has entered into definitive agreements for the acquisition of 100% of PrimeWater Infrastructure Corp.” Dagdag pa nila, saklaw ng deal ang buong portfolio ng PrimeWater sa buong bansa, kabilang ang water district joint ventures, bulk water supply, septage at wastewater management services.

Ang PrimeWater, na matagal nang kritisado dahil sa umano’y serbisyo na kulang at reklamo mula sa mga konsumer, ay tinaguriang “crime water” ng ilang residente. Sa San Fernando, Pampanga, nanawagan pa si Mayor Vilma Caluag sa bagong may-ari: “Palayain [’nyo na] kami, pakawalan [’nyo na] kami. Nagmamakaawa ako.”

Noong Mayo 2025, iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang imbestigasyon sa operasyon ng PrimeWater dahil sa mga reklamo ng mga lokal na pamahalaan at konsumer hinggil sa kakulangan ng serbisyo. Ang pagbili ng Lucio Co Group ay nakikitang “white knight” move upang muling buhayin ang tiwala sa kumpanya at ayusin ang mga operasyon.

Kasama sa pormal na anunsyo ang larawan nina Lucio Co at Manuel Villar Jr., kasama ang kanilang mga anak na sina Vincent Co at Manuel Paolo Villar, at si Leonardo Dayao, presidente ng Cosco Capital, retail holding firm ng Co Group.

Sa ngayon, hindi pa inilalabas ang halaga ng transaksyon, ngunit inaasahang magdadala ito ng malaking pagbabago sa pamamahala ng PrimeWater. Para sa Lucio Co Group, ang takeover ay magpapalawak sa kanilang negosyo mula retail (Puregold, S&R) patungo sa critical utilities sector, na may direktang epekto sa milyun-milyong Pilipino.

Larawan mula ALLTV News