TSP suportado ng mga Lider at Tagapamahala sa Bilangguan ng Pilipinas
Ipinost noong 2025-02-17 15:38:46Sa ginanap na 2nd Asean Regional Correction Conference (ARCC) sa Puerto Princesa, Palawan, nabanggit ang TSP.
Ang TSP ay nangangahulugang Transfer of Sentenced Persons. Ito ay tumutukoy sa proseso ng paglilipat ng mga indibidwal na nahatulan at nasentensyahan sa isng bansa patungo sa kanilang sariling bansa upang tapusin ang natitirang bahagi ng kanilang sentensya malapit sa kanilang mga pamilya at sa isang pamilyar na kapaligiran. Layunin ng prosesong ito na itaguyod ang makataong konsiderasyon at mapadali ang rehabilitasyon ng mga nahatulang indibidwal.
Ayon kay Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang Jr., “Nagkaroon kami ng mataas na antas na pagpupulong kasama ang mga bansang ASEAN, at nagkasundo kami dahil para na rin naman kaming magkakapatid.” Dagdag pa niya, umaasa siyang ang isa sa mga resulta ng nasabing kumperensya ay magkaroon ng kasunduan para sa mga Pilipinong kasalukuyang nakakulong sa mga bansang miyembro ng ASEAN na mailipat pabalik sa Pilipinas.
Ipinakita sa datos ng BuCor na mayroong 354 na mga dayuhang nasyonal na nagsisilbi ng hatol sa iba't ibang pasilidad. Sa 354 na ito, 24 ang mula sa mga bansang miyembro ng ASEAN.
Bukod sa TSP, tinalakay rin ang mga pinakamahusay na gawi na may kinalaman sa mga estratehiya sa decongestion, programa sa kalusugan ng bilangguan, aftercare, parole, at probation.
Larawan: Carles Rabada/Unsplash
