Diskurso PH
Translate the website into your language:

'Rat People': Bagong Lifestyle Trend sa Kabataang Tsino!

Ipinost noong 2025-05-13 16:12:31 'Rat People': Bagong Lifestyle Trend sa Kabataang Tsino!

Maynila, Pilipinas- Sumisikat sa Tsina ang lifestyle trend na tinatawag na "rat people" o "shǔ rén" (鼠人), kung saan ang mga kabataang Tsino, partikular ang Gen Z at millennials, ay sinasadyang umiwas sa tradisyunal na tagumpay at mas pinipili ang mabagal, tahimik, at reclusive na pamumuhay. Sa halip na magpursige sa karera, sila'y nananatili sa kama, nanonood ng videos, kumakain ng takeout, at bihirang lumabas ng bahay. Ang trend na ito ay nakakuha ng mahigit 2 bilyong views sa social media, ayon sa South China Morning Post.

Nagsimula ang kasikatan ng "rat people" matapos mag-viral ang video ni @jiawensishi, isang babae mula Zhejiang, na nagpakita ng kanyang araw na puno ng katamaran—tatlong oras sa kama matapos magising, muling natulog ng limang oras, at naligo lamang ng alas-dos ng madaling araw. Ang kanyang video ay umani ng libu-libong likes at komento mula sa mga kabataang nakaka-relate sa ganitong uri ng pamumuhay. May mga tao ay na nasa kama ng 23 na oras bawat araw.

Ang "rat people" ay itinuturing na ebolusyon ng "lying flat" (tǎng píng) movement noong 2021, kung saan ang mga kabataan ay tahimik na nagrerebelde sa "996" work culture—trabaho mula 9 a.m. hanggang 9 p.m., anim na araw sa isang linggo. Ayon sa Business Insider, maraming kabataang Tsino ang nawalan ng pag-asa sa harap ng mataas na unemployment rate at matinding kumpetisyon sa trabaho, kaya pinili nilang "magpahinga" at umiwas muna sa karera.

Karamihan sa mga "rat people" ay galing sa mga pamilyang may sapat na yaman, kaya't kaya nilang mamuhay nang walang regular na trabaho. Ayon kay Ophenia Liang, direktor ng Digital Crew, ito ay hindi simpleng katamaran kundi isang paraan ng pag-redefine ng kahulugan ng trabaho at layunin sa buhay.

Hindi rin nakaligtas sa komersyalisasyon ang trend na ito. Ang cartoon character na "Big Rat" ay naging unofficial mascot ng "rat people" at nakalikom ng mahigit 1 milyong yuan (US$140,000) mula sa merchandise sales. Ayon sa The Guardian, ginagamit na rin ng mga influencers ang konsepto ng "rat person" sa pag-promote ng skincare products at iba pang produkto. 

Bagama't may mga nagsasabing ang "rat people" lifestyle ay isang anyo ng passive coping mechanism matapos ang mga kabiguan, may mga babala rin na ito ay hindi sustainable sa pangmatagalan. Ayon kay Zhang Yong, isang social worker mula Hubei, mahalagang pagkatapos ng pahinga ay muling kumonekta sa mga bagay na nagbibigay ng saya at kahulugan sa buhay.