Diskurso PH
Translate the website into your language:

2-taong gulang na bata, inilagay sa maleta habang bumibyahe sa New Zealand

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-08-04 09:16:32 2-taong gulang na bata, inilagay sa maleta habang bumibyahe sa New Zealand

KAIWAKA, NEW ZEALAND — Isang 27-anyos na babae ang inaresto ng mga awtoridad sa New Zealand matapos mabistong may kasamang dalawang-taong-gulang na bata sa loob ng isang maleta habang bumibiyahe sakay ng pampasaherong bus.

Ayon sa ulat ng GMA Integrated News, naganap ang insidente sa isang bus depot sa Kaiwaka, isang bayan sa hilagang bahagi ng Auckland. Napansin ng driver ng bus ang kahina-hinalang paggalaw mula sa isang bag na nakalagay sa compartment ng bagahe ng sasakyan. Nang buksan ito, tumambad ang isang batang babae na mainit ang katawan ngunit walang pisikal na pinsala.

“When the driver opened the suitcase, they discovered the two-year-old girl,” ayon kay Detective Inspector Simon Harrison ng New Zealand Police. “The little girl was reported to be very hot, but otherwise appeared physically unharmed,” dagdag pa niya.

Agad na dinala sa ospital ang bata upang masuri ang kanyang kalagayan. Samantala, sinampahan ng kaso ang babae dahil sa pagmamalupit at pagpapabaya sa menor de edad. Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang kaugnayan ng babae sa bata, na hindi pa isinasapubliko ng mga awtoridad.

Ipinaalam na rin sa Ministry for Children ng New Zealand ang insidente upang matiyak ang kapakanan ng bata. Ayon kay Harrison, ang mabilis na aksyon ng driver ang naging susi sa pag-iwas sa mas malubhang trahedya. “Napigilan nito ang what could have been a far worse outcome,” aniya.

Ang insidente ay nagdulot ng matinding reaksyon mula sa publiko, na nananawagan ng mas mahigpit na seguridad sa mga pampublikong transportasyon at mas malalim na pagsusuri sa mga kaso ng child abuse.