Diskurso PH
Translate the website into your language:

Bistado! Babae, 3 beses nagpanggap na buntis para hindi makulong

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-08-26 22:52:27 Bistado! Babae, 3 beses nagpanggap na buntis para hindi makulong

Shanxi, China — Isang babaeng Tsino na kinilala sa alias na Chen Hong ang naging sentro ng balita matapos madiskubreng tatlong beses siyang nabuntis sa loob lamang ng apat na taon upang makaiwas sa kanyang limang taong pagkakakulong.

Noong Disyembre 2020, nahatulan si Chen ng kaso ng panloloko (fraud), subalit hindi siya agad nakulong dahil sa kanyang mga pagbubuntis. Ayon sa umiiral na batas sa China, ang mga buntis, mga ina na nagpapasuso, o mga may malubhang karamdaman ay maaaring pansamantalang hindi ikulong basta’t may pahintulot mula sa korte. Kabilang din dito ang obligasyong magpasa ng medical report tuwing ikatlong buwan at manatili sa ilalim ng mahigpit na pagbabantay ng community correctional institutions.

Gayunpaman, nitong Mayo ay nadiskubre ng mga awtoridad na ipinagkaloob ni Chen ang kanyang ikatlong anak sa kanyang hipag. Umamin din siya na hiwalay na siya sa kanyang asawa, na siyang kasalukuyang nag-aalaga sa dalawa nilang naunang anak. Dahil dito, nakumbinsi ang lokal na piskalya na sinadya ni Chen ang sunod-sunod na pagbubuntis upang umiwas sa kanyang sentensya.

Bunga ng pagkakabunyag, agad siyang ibinalik sa detention center upang tapusin ang natitirang bahagi ng kanyang limang taong pagkakakulong.

Samantala, umani ng iba’t ibang reaksyon ang insidente mula sa publiko. Para sa ilan, ipinakita nito ang kahinaan ng batas na maaaring abusuhin ng ilang indibidwal. Para naman sa iba, nagsilbi itong paalala sa mga awtoridad na higpitan pa ang implementasyon ng community corrections upang maiwasan ang ganitong uri ng pang-aabuso.

Sa ngayon, si Chen ay mananatili sa kulungan hanggang sa tuluyang matapos ang kanyang sentensya. (Larawan: Google)