Malawakang protesta sa Indonesia, pangulong Prabowo binawi ang benepisyo ng mga mambabatas
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-01 22:06:52
Indonesia - Sumiklab ang malalaking protesta sa Indonesia matapos mabisto na tumatanggap ng malaking housing allowance ang mga mambabatas—umabot ito sa 50 milyong rupiah o halos ₱180,000 kada buwan. Halos sampung beses itong mas mataas sa sahod ng isang ordinaryong manggagawa sa Jakarta.
Maraming mamamayan ang nagalit dahil sa hirap ng buhay at taas ng bilihin, habang tila sobra ang pribilehiyo ng mga nasa gobyerno.
Nagdagdag ng apoy sa galit ng tao ang pagkamatay ni Affan Kurniawan, isang 21-anyos na motorcycle taxi driver, na nasagasaan ng police vehicle sa gitna ng protesta. Dahil dito, mas dumami ang nag-aklas at kumalat ang kilos-protesta sa iba’t ibang lugar.
Sa ngayon, umabot na sa anim ang namatay at higit 460 ang sugatan. Mahigit 1,200 katao na rin ang inaresto. May mga gusali ng gobyerno na sinunog at ilang bahay ng opisyal ang nilooban ng mga galit na tao.
Sa isang talumpati, inanunsyo ni Pangulong Prabowo Subianto na binabawi na ang housing allowance ng mga mambabatas at pansamantalang ipinagbabawal ang mga biyahe nila abroad. Kanselado rin ang kanyang nakatakdang biyahe sa China para tutukan ang sitwasyon.
Nangako si Prabowo ng imbestigasyon sa mga pulis na sangkot sa insidente, pero nagbabala rin siya na ang marahas na kilos-protesta ay maaari nang ituring na “pagtataksil” o “terorismo.”
Naglagay na ng checkpoints at dagdag na militar sa kabisera. Dahil dito, ilang grupo ng estudyante ang pansamantalang nagkansela ng malalaking rally, pero may mga protesta pa ring tuloy sa ilang lugar gaya ng Purwakarta at Yogyakarta.
Hindi lang allowance ang isyu. Hiling din ng mga nagpoprotesta ang mas malaking pagbabago tulad ng pagbawas ng papel ng militar sa pamahalaan at mas seryosong laban sa katiwalian.
Larawan mula sa Google
