Diskurso PH
Translate the website into your language:

Tiktok star sa Mexico at kanyang pamilya, minasaker!

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-09-02 00:08:10 Tiktok star sa Mexico at kanyang pamilya, minasaker!

MEXICO — Isang nakagigimbal na krimen ang yumanig sa Guadalajara, Mexico matapos matagpuan ang bangkay ng TikTok star na si Esmeralda Ferrer Garibay, kasama ang kanyang asawa at dalawang anak, sa loob ng isang iniwang pickup truck.

Kinilala ng mga awtoridad ang mga biktima na sina Garibay, ang kanyang asawa na si Roberto Carlos Gil Licea, at ang kanilang mga anak na sina Gael Santiago, 13, at Regina, 7 taong gulang. Ayon kay prosecutor Alfonso Gutiérrez Santillán, maraming ebidensiya gaya ng dugo at mga bala ang natagpuan sa lugar na nagpapatunay na doon mismo pinaslang ang pamilya.

Bagama’t dalawang indibidwal mula sa kalapit na talyer ang inaresto, agad din silang pinalaya dahil sa kakulangan ng ebidensya. Lumipat lamang umano ang pamilya sa naturang lugar ilang buwan bago ang masaker. Pinaghihinalaang may kaugnayan sa negosyo ni Licea—na sangkot sa pagbebenta ng sasakyan at pagtatanim ng kamatis sa Michoacán—ang marahas na krimen.

Si Garibay, na kilala sa social media bilang Esmeralda FG, ay may higit sa 40,000 followers sa TikTok at milyon-milyong views mula sa kanyang mga travel, lifestyle, at lip sync videos. Ang biglaang pagkamatay ng influencer at ng kanyang pamilya ay nagdulot ng matinding lungkot at pagkabigla sa online community, na ngayo’y nananawagan ng hustisya para sa kanila. (Larawan: X)