8 Patay, 45 sugatan sa banggaan ng bus at tren sa Mexico
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-09 01:31:02
MEXICO — Isang malagim na trahedya ang naganap sa bayan ng Atlacomulco, hilagang-kanluran ng Mexico City, matapos salpukin ng isang tren ang isang double-decker bus na puno ng mga pasahero nitong rush hour.
Batay sa ulat ng mga awtoridad, hindi bababa sa 8 katao ang nasawi at mahigit 45 ang sugatan sa insidente. Agad na rumesponde ang mga rescuers at emergency personnel sa lugar, na kilala bilang isang industrial area na may mga bodega at pabrika.
Sa isang bidyo na kumakalat sa social media, makikitang dahan-dahang tumatawid ang bus sa riles bago biglang bumangga ang paparating na tren sa gitnang bahagi nito, dahilan upang hilahin ito palabas ng frame. Mapapansin din na walang nakikitang gate o signal light sa kalsadang iyon, at ilang sasakyan pa ang nakatawid bago dumaan ang bus.
Isa pang bidyo ang nagpakita sa kalunus-lunos na kalagayan ng bus matapos ang aksidente. Halos wala nang bubong ang sasakyan, habang ilang pasahero ang makikitang gumagalaw sa ibabaw ng double-decker upang mailigtas ang kanilang mga sarili.
Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng aksidente at kung may pagkukulang sa seguridad sa nasabing railway crossing.
Samantala, nananawagan ang lokal na pamahalaan ng Atlacomulco ng donasyon ng dugo at medikal na tulong para sa mga sugatan na kasalukuyang ginagamot sa iba’t ibang ospital.
Ang insidente ay muling nagbigay-diin sa pangangailangan ng mas mahigpit na safety measures sa mga railway crossings sa Mexico upang maiwasan ang kahalintulad na trahedya. (Larawan: NBC News / Google)