Diskurso PH
Translate the website into your language:

Amazon, magbabawas ng 14,000 empleyado sa gitna ng agresibong AI push

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-29 10:47:34 Amazon, magbabawas ng 14,000 empleyado sa gitna ng agresibong AI push

OKTUBRE 29, 2025 — Sa kabila ng matatag na kita, kinumpirma ng Amazon ang pagbawas ng 14,000 posisyon sa kanilang corporate division — isang hakbang na bahagi ng mas malawak na estratehiya para sa mas mabilis na paglipat sa artificial intelligence (AI).

May mga naunang ulat na nagpahiwatig na balak nitong tanggalin ang hanggang 30,000 manggagawa.

Hindi na bago ang ganitong galaw para sa tech giant. Noong 2022, tinanggal na nila ang humigit-kumulang 27,000 empleyado sa magkakahiwalay na yugto. Ngayon, muling babawasan ang workforce bilang tugon sa mabilis na pagbabago ng teknolohiya at pangangailangan ng negosyo.

Ayon kay Beth Galetti, senior vice president ng Amazon, ang desisyong ito ay hindi dahil sa kahinaan ng kumpanya kundi sa pangangailangang magbago ng estratehiya. 

“We’re convicted that we need to be organised more leanly, with fewer layers and more ownership, to move as quickly as possible for our customers and business,” aniya. 

(Kumbinsido kami na kailangang mas payak ang organisasyon, mas kaunti ang antas, at mas malawak ang responsibilidad upang makagalaw nang mas mabilis para sa aming mga customer at negosyo.)

Dagdag pa ni Galetti, ang AI ang pangunahing dahilan ng pagbabago. Tinawag niya itong “the most transformative technology we've seen since the Internet” (pinaka-transformative na teknolohiyang nakita namin mula pa noong Internet).

Ang mga apektadong empleyado ay bibigyan ng tulong sa paglipat, kabilang ang severance pay at posibilidad ng paglipat sa ibang posisyon sa loob ng kumpanya.

Ang Amazon ay may kabuuang 1.5 milyong empleyado sa buong mundo, kabilang ang 350,000 sa corporate division — mga posisyong executive, managerial, at sales. Malaki ang bahagi ng mga ito sa operasyon ng kumpanya, lalo na sa panahon ng pandemya kung kailan naging agresibo ang hiring upang tugunan ang pagtaas ng demand sa online services.

Ngayon, binibigyang-prayoridad ni CEO Andy Jassy ang AI investment. Noong Hunyo, sinabi niyang ang pag-usbong ng AI ay magdudulot ng pagbabago sa uri ng mga trabahong kailangan ng kumpanya. 

“We will need fewer people doing some of the jobs that are being done today, and more people doing other types of jobs,” ani Jassy. 

(Mas kaunti ang kailangang tao para sa ilang trabahong ginagawa ngayon, at mas marami naman para sa ibang uri ng trabaho.)

Bagama’t lumampas sa inaasahan ang kita ng Amazon noong ikalawang quarter ng taon — umabot sa $167.7 bilyon o 13% na pagtaas taon-taon — nagpakita ng pagbagal ang paglago ng Amazon Web Services (AWS) kumpara sa mga kakumpitensyang Microsoft at Google. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit may agam-agam ang ilang investor sa return ng AI investments ng kumpanya.

PEro ayon kay Ben Barringer, technology analyst ng Quilter Cheviot, hindi lang Amazon ang gumagalaw sa ganitong direksyon. 

“We are already seeing jobs in software development be shed thanks to the capabilities of some of these AI tools,” aniya. 

(Nakikita na nating nababawasan ang mga trabaho sa software development dahil sa kakayahan ng ilang AI tools.)

Dagdag pa niya, “They have the data and can apply AI in a way that unfortunately means job losses are inevitable.” 

(May hawak silang data at kaya nilang gamitin ang AI sa paraang, sa kasamaang-palad, nagiging hindi maiiwasan ang tanggalan.)

Inaasahang ilalabas ng Amazon ang pinakabagong financial report nito sa Huwebes para sa quarter na nagtapos noong Setyembre 30.

(Larawan: Yahoo)