Matinding pinsala, iniwan ng Hurricane Melissa sa Jamaica
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-29 22:49:44
JAMAICA — Lubhang naapektuhan ang bansa ng Jamaica matapos manalasa ang napakalakas na Hurricane Melissa na may taglay na hanging umaabot sa 295 kilometro kada oras at bugso na pumalo ng mahigit 345 kilometro kada oras. Tumama ang bagyo sa bahagi ng Black River, St. Elizabeth, malapit sa bayan ng Auchindown, bandang alas-12 ng madaling-araw (oras sa Pilipinas) at nagdulot ng malawakang pinsala sa mga kabahayan, establisyimento at imprastruktura.
Ayon sa mga lokal na awtoridad, maraming lugar ang nawalan ng kuryente at komunikasyon, habang patuloy na isinasagawa ang mga rescue at clearing operations. Maraming residente rin ang napilitang lumikas dahil sa matinding pagbaha at pagguho ng lupa.
Tinagurian ngayon ang Hurricane Melissa bilang isa sa pinakamalakas na bagyong tumama sa kasaysayan ng Jamaica. Patuloy namang nananawagan ang mga opisyal ng tulong internasyonal para sa relief efforts at pagbangon ng mga apektadong komunidad.
Samantala, nananawagan din ang mga Pilipino na ipagdasal ang kaligtasan ng ating mga kababayan at overseas Filipino workers (OFWs) na nasa Jamaica at kalapit na bansa ng Cuba. (Larawan: Hester Prynne / X)
