Diskurso PH
Translate the website into your language:

Lola sa Thailand kumatok mula sa kabaong bago cremation, buhay pa pala

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-11-29 09:36:08 Lola sa Thailand kumatok mula sa kabaong bago cremation, buhay pa pala

BANGKOK — Isang 65-anyos na lola sa Thailand ang ikinagulat ng kaniyang pamilya at mga tauhan ng templo matapos kumatok at umiyak mula sa loob ng ataul ilang sandali bago siya isailalim sa cremation.

Kinilala ang babae bilang si Chonthirot, mula sa Phitsanulok, hilagang Thailand. Ayon sa ulat, siya ay idineklarang patay sa kanilang bahay noong Nobyembre 23 matapos hindi na huminga at mawalan ng malay. 

Naniniwala ang pamilya na siya ay pumanaw na kaya inilagay siya sa isang puting kabaong at ibiyahe nang apat na oras patungo sa Wat Rat Prakhong Tham temple sa Nonthaburi, malapit sa Bangkok, na nagbibigay ng libreng cremation services para sa mga mahihirap.

Ngunit nang dumating ang kabaong sa templo, laking gulat ng mga kamag-anak at staff nang marinig ang mahina ngunit malinaw na pagkatok mula sa loob. “I peeled back the cloth covering her and froze when I saw she was still moving,” pahayag ni Thammanoon, isang temple worker.

Ayon sa kapatid ng babae na si Mongkol, bedridden na si Chonthirot sa loob ng dalawang taon at madalas na nawawalan ng malay dahil sa sakit. “She had been bedridden for around two years,” aniya, at idinagdag na nais sana nilang i-donate ang kaniyang mga organ ngunit tinanggihan ng ospital dahil wala siyang opisyal na death certificate.

Sa halip, dinala siya sa templo para sa cremation, ngunit muli ring tinanggihan dahil sa kakulangan ng papeles. Habang pinag-uusapan ng staff kung paano makakakuha ng dokumento, doon narinig ang pagkatok mula sa kabaong.

Agad siyang isinugod sa ospital kung saan natuklasang buhay pa siya ngunit nasa kritikal na kondisyon. Ayon sa mga doktor, posibleng dulot ng matinding hypoglycemia o mababang blood sugar ang kaniyang pagkawala ng malay na nagmistulang kamatayan.

Nag-viral ang insidente sa social media matapos ibahagi ng templo ang video ng lola na gumagalaw sa loob ng kabaong. Maraming netizen ang nagsabing tila “himala” ang nangyari, habang ang iba naman ay nagbigay-diin sa kahalagahan ng tamang medikal na pagsusuri bago ideklara ang kamatayan.

Sa kasalukuyan, nananatili si Chonthirot sa ospital para sa karagdagang gamutan. Ang insidente ay nagbigay ng babala sa publiko hinggil sa kahalagahan ng opisyal na death certificate at masusing medikal na pagsusuri upang maiwasan ang ganitong trahedya.

Larawan mula Linda Ikeji