Diskurso PH
Translate the website into your language:

Migrasyon mula sa 'Third World Countries' ipapatigil ni Trump kasunod ng deadly attack

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-11-29 09:36:10 Migrasyon mula sa 'Third World Countries' ipapatigil ni Trump kasunod ng deadly attack

WASHINGTON D.C. — Ipinahayag ni US President Donald Trump na kanyang ipapatupad ang “permanent pause” o tuluyang pagtigil ng migrasyon mula sa tinatawag niyang “Third World Countries” matapos ang isang pag-atake malapit sa White House na ikinasawi ng isang miyembro ng National Guard.

Sa serye ng posts sa kanyang social media platform na Truth Social, sinabi ni Trump: “I will permanently pause migration from all Third World Countries to allow the U.S. system to fully recover, terminate all of the millions of Biden illegal admissions, including those signed by Sleepy Joe Biden’s autopen, and remove anyone who is not a net asset to the United States.”

Ayon sa mga imbestigador, ang insidente ay kinasangkutan ng isang Afghan national na nakapasok sa Amerika noong 2021 sa ilalim ng resettlement program ng administrasyong Biden. Dahil dito, iginiit ni Trump na ang nangyaring pag-atake ay patunay ng umano’y “immigration vetting failures” ng nakaraang pamahalaan.

Dagdag pa ni Trump, tatapusin din niya ang lahat ng federal benefits at subsidies para sa mga non-citizens at magsasagawa ng reverse migration. “Only reverse migration can fully cure this situation,” aniya.

Bagama’t hindi tinukoy ni Trump kung aling mga bansa ang sakop ng tinatawag niyang “Third World Countries”, lumabas sa ulat ng US Citizenship and Immigration Services (USCIS) na mayroong 19 bansa na tinukoy bilang “countries of concern.” Kabilang dito ang Afghanistan, Myanmar, Burundi, Chad, Republic of the Congo, Cuba, Equatorial Guinea, Eritrea, Haiti, Iran, Laos, Libya, Sierra Leone, Somalia, Sudan, Togo, Turkmenistan, Venezuela, at Yemen.

Ayon sa ulat ng Times Now News, ang bagong polisiya ay ipinatupad matapos ang pagkamatay ng US Army Specialist Sarah Beckstrom at US Air Force Staff Sgt. Andrew Wolfe sa nasabing insidente.

Samantala, binatikos ng mga kritiko ang pahayag ni Trump, na tinawag itong “escalation of immigration restrictions” na maaaring magdulot ng diskriminasyon laban sa mga migranteng mula sa developing nations.

Ang anunsyo ay bahagi ng mas malawak na kampanya ng administrasyon ni Trump upang higpitan ang imigrasyon at palakasin ang seguridad sa loob ng Estados Unidos, kasabay ng panawagan para sa mas mahigpit na pagsusuri sa lahat ng Green Cards na naibigay sa mga bansang tinukoy bilang “concern.”