Ukraine itinatwa ang alegasyong nagre-recruit ng mga Pilipino para sa digmaan
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-29 09:36:07
MANILA — Mariing pinabulaanan ng Embassy of Ukraine sa Maynila ang alegasyon ng Russian Ministry of Foreign Affairs na may mga Pilipinong nirerekrut upang lumahok sa digmaan sa pagitan ng Ukraine at Russia.
Sa opisyal na pahayag ng embahada, sinabi nito: “We reject and refute the baseless fabrications of the Russian Ministry of Foreign Affairs regarding the alleged recruitment of Filipino nationals to participate in hostilities on the side of Ukraine.” Dagdag pa ng embahada, ang naturang alegasyon ay “has no factual foundation and does not correspond to reality.”
Nauna nang sinabi ni Russian Foreign Ministry spokesperson Maria Zakharova na umano’y may mga kinatawan ng Estados Unidos na nagre-recruit ng mga Pilipino, kabilang ang mga dating pulis, security personnel, at retiradong sundalo, upang ipadala sa Ukraine.
Tinawag ng Ukraine ang naturang pahayag bilang bahagi ng “systematic disinformation campaign” ng Russia sa Southeast Asia. Ayon sa embahada, ang relasyon ng Pilipinas at Ukraine ay nananatiling matatag, “Ukraine and the Philippines enjoy strong, friendly, and dynamic bilateral relations built on mutual respect, trust, and a shared commitment to international law.”
Bukod sa Ukraine, naglabas din ng pahayag ang German Embassy sa Maynila na mariing itinanggi ang alegasyon ng Russia na nagbibigay sila ng Schengen visas sa mga Pilipino para sa deployment sa Ukraine. “Schengen visas are issued for travel purposes only, not for recruitment or deployment,” ayon sa embahada ng Germany.
Sa kasalukuyan, walang opisyal na ulat mula sa pamahalaan ng Pilipinas na may mga Pilipinong sangkot sa digmaan sa Ukraine. Nanawagan ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa publiko na maging maingat sa maling impormasyon na maaaring magdulot ng pangamba sa mga overseas Filipino workers (OFWs).
Ang insidente ay nakikitang bahagi ng mas malawak na propaganda ng Russia upang siraan ang Ukraine sa pandaigdigang komunidad. Sa kabila nito, nanindigan ang Ukraine na walang Pilipino ang nirerekrut para sa kanilang hukbo at nananatiling nakatuon sa pagpapatibay ng ugnayan sa Pilipinas.
