Diskurso PH
Translate the website into your language:

Pinay OFW, nasawi sa sunog sa Hong Kong; isa pang kababayan, sugatan matapos iligtas ang sanggol

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-30 13:24:51 Pinay OFW, nasawi sa sunog sa Hong Kong; isa pang kababayan, sugatan matapos iligtas ang sanggol

NOBYEMBRE 30, 2025 — Isa na namang trahedya ang tumama sa mga Pinoy sa ibayong dagat matapos kumpirmahin ng Philippine Consulate General sa Hong Kong na isang Filipina domestic worker ang nasawi sa malagim na sunog sa Tai Po district, na itinuturing na pinakamapinsala sa lungsod mula pa noong 1948.

Sa pinakahuling tala, umabot na sa 128 ang bilang ng mga namatay, habang mahigit 150 pa ang nawawala. Nasa 44 bangkay ang hindi pa nakikilala, at 19 katao ang nananatiling kritikal sa ospital.

Sa opisyal na pahayag ng konsulado, hindi ibinunyag ang pangalan ng biktima ngunit binigyang-diin ang kanyang sakripisyo. 

"Far from her native home, she had made innumerable sacrifices to provide a better life for her family," ayon sa pahayag.

(Malayo sa kanyang bayang sinilangan, nag-alay siya ng hindi mabilang na sakripisyo upang maitaguyod ang mas maayos na buhay para sa kanyang pamilya.)

Dagdag pa ng konsulado, “The Consulate General extends our heartfelt condolences to her family, friends, and loved ones at this trying time.” 

(Ipinapaabot ng Konsulado ang taos-pusong pakikiramay sa kanyang pamilya, mga kaibigan, at mga mahal sa buhay sa panahon ng matinding dalamhati.)

Agad na nagtungo si Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac sa pamilya ng biktima upang iparating ang pakikiramay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at tiyakin ang tulong na matatanggap.

"Tonight, as we received the sad news of our first and hopefully last OFW fatality in the fire in Tai Po, Hongkong, Overseas Workers Welfare Administration Administrator PY Caunan and I visited the family of our slain OFW and conveyed the President’s condolences and directive to provide fullest assistance," ani Cacdac. 

(Ngayong gabi, sa pagtanggap namin ng malungkot na balita ng una at sana’y huling OFW na nasawi sa sunog sa Tai Po, Hong Kong, kasama ko si OWWA Administrator PY Caunan na bumisita sa pamilya ng ating kababayan upang iparating ang pakikiramay ng Pangulo at ang direktiba na ibigay ang buong tulong.)

Nakapanayam din ni Cacdac ang 10-taong gulang na anak ng biktima. Ayon sa kanya, tiniyak niyang mananatili sa puso ng bata ang alaala ng ina. 

Nang tanungin ang bata kung ano ang nais niyang maging paglaki, sagot nito, “Firefighter po, para wala na pong mamatay sa sunog.” 

Bukod sa nasawi, isang Filipina domestic worker ang sugatan matapos magligtas ng sanggol sa gitna ng apoy. Kinilala ng OWWA ang biktima na si Rhodora Alcaraz, bagong dating lang sa Hong Kong.

Ayon sa OWWA, "Mula sa sunog na tumama sa Wang Fuk Court sa Tai Po noong Nobyembre 26, lumitaw ang isang kwento ng kabayanihan. Si Rhodora Alcaraz, isang bagong dating na domestic worker, ay nagligtas ng isang tatlong buwang sanggol sa gitna ng apoy at makapal na usok. Sa halip na tumakas, niyakap niya ang sanggol upang protektahan ito at nailigtas ang buhay ng bata." 

Si Alcaraz ay nasa kritikal ngunit matatag na kondisyon sa ospital. Binisita siya ng mga kinatawan mula sa OWWA, DMW, at konsulado. Nakipag-ugnayan na rin ang OWWA Regional Office sa kanyang pamilya sa Pilipinas.

"Marami ang humanga sa kanyang kabayanihan, isang tunay na modern-day hero at huwaran ng malasakit at tapang ng Pilipino sa ibang bayan. Isama natin si Rhodora sa ating mga panalangin para sa kanyang mabilis na paggaling," dagdag ng OWWA. 

Batay sa paunang imbestigasyon, nagsimula ang apoy sa protective netting at mabilis na kumalat dahil sa foam boards at bamboo scaffolding. Malfunctioning ang alarm systems sa walong gusali, dahilan upang ang mga residente mismo ang mag-abiso sa isa’t isa.

Dahil sa lawak ng pinsala, pansamantalang sinuspinde ng Buildings Department ang 30 pribadong construction projects habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Labing-isang katao na ang naaresto kaugnay ng insidente.



(Larawan: Yahoo News Canada)