Filipina yaya isinugod sa ICU matapos iligtas ang sanggol sa Hong Kong fire
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-12-01 09:50:20
HONG KONG — Kinilala ang OFW na si Nerissa Catabay, isang domestic worker na tumakbo mula sa ika-23 palapag ng Wang Fuk Court habang karga ang alaga niyang sanggol nang sumiklab ang sunog noong Nobyembre 26. Ayon sa ulat, nagawa pa niyang mag-livestream upang balaan ang mga kapitbahay habang tinutulungan ang bata na makaligtas.
Sa pahayag ng OWWA, kumpirmadong kabilang si Catabay sa 23 OFWs na naapektuhan ng insidente. “The Philippine government is extending full assistance to the 23 overseas Filipino workers (OFWs) affected by the fire that struck Wang Fuk Court in Tai Po, Hong Kong,” ani OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan. Dagdag pa ng ahensya, nakatutok ang Philippine Consulate General sa Hong Kong upang tiyakin ang agarang tulong medikal at legal sa mga biktima.
Ayon sa mga awtoridad, isa pang Filipina domestic worker ang nasawi sa naturang sunog, na tinaguriang isa sa pinakamalalang trahedya sa kasaysayan ng Hong Kong. “Far from her native home, she had made innumerable sacrifices to provide a better life for her family,” pahayag ng Consulate General sa kanilang opisyal na mensahe ng pakikiramay.
Sa kasalukuyan, nananatiling nasa intensive care unit si Catabay. Bagama’t nasa critical condition, tiniyak ng OWWA na stable ang kanyang lagay at patuloy na binabantayan ng mga doktor. Ang sanggol na kanyang nailigtas ay ligtas at nasa pangangalaga ng pamilya.
Nagpahayag ng pasasalamat ang pamahalaan sa kabayanihan ni Catabay. “Her courage and selflessness embody the true spirit of service and sacrifice of our OFWs,” ani Caunan.
Samantala, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Hong Kong authorities sa sanhi ng sunog na kumitil ng mahigit 128 buhay at nagdulot ng matinding pinsala sa komunidad.
Ang insidente ay muling nagbigay-diin sa panganib na kinakaharap ng mga OFW sa ibang bansa, ngunit sa kabila nito, naging inspirasyon ang kabayanihan ni Catabay sa maraming Pilipino.
