San Francisco kinasuhan ang Kraft, Mondelez, Coca-Cola dahil sa mga produktong ‘ultra-processed’
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-12-03 19:01:23
DISYEMBRE 3, 2025 — Isang makasaysayang kaso ang isinampa ng lungsod ng San Francisco laban sa mga pangunahing kompanya ng pagkain at inumin kabilang ang Kraft Heinz, Mondelez, at Coca-Cola. Ayon sa reklamo, sinadya umano ng mga kumpanyang ito na magbenta ng mga pagkaing “ultra-processed” na nagdudulot ng malubhang sakit sa mga residente ng California.
Ang demanda ay inihain ni City Attorney David Chiu sa San Francisco Superior Court. Pinupunto ng lungsod na ginamit ng mga kompanya ang parehong taktika ng industriya ng sigarilyo — pagdidisenyo ng produkto upang maging nakakaadik at may agresibong pagma-market sa publiko.
“These companies engineered a public health crisis, they profited handsomely, and now they need to take responsibility for the harm they have caused,” pahayag ni Chiu.
(Ang mga kumpanyang ito ay lumikha ng krisis sa kalusugan, kumita nang malaki, at ngayon ay dapat managot sa pinsalang kanilang idinulot.)
Batay sa datos ng kanyang opisina, kabilang sa pangunahing sanhi ng pagkamatay sa San Francisco ang sakit sa puso at diabetes — mga kondisyong matagal nang inuugnay sa labis na pagkain ng ultra-processed products. Mas mataas umano ang insidente sa mga komunidad na mababa ang kita at sa mga minorya.
Humihingi ang lungsod ng kabayaran at multa upang maibsan ang gastusin sa kalusugan, bukod pa sa kautusan ng korte na ipatigil ang mapanlinlang na marketing at baguhin ang mga gawain ng mga kompanya.
Bagama’t may debate pa sa eksaktong depinisyon ng “ultra-processed,” karaniwang tinutukoy dito ang mga nakapakete at matamis na pagkain, soft drinks, at snacks na gawa sa additives at industrial ingredients na halos walang sangkap na mula sa buong pagkain.
Ito ang unang pagkakataon na isang lungsod sa U.S. ang nagsampa ng kaso laban sa mga kompanya ng pagkain dahil sa umano’y sadyang pagbebenta ng nakakaadik at mapanganib na produkto.
Ang San Francisco ay kinakatawan ng Morgan & Morgan, parehong law firm na humawak sa naunang kaso ng isang lalaki mula Philadelphia na nagdawit ng ultra-processed foods sa kanyang Type 2 diabetes at fatty liver disease.
Gayunman, ibinasura ang kasong iyon ng isang hukom sa Pennsylvania dahil sa kakulangan ng direktang ebidensya na nag-uugnay sa partikular na produkto at sakit.
(Larawan: Yahoo)
