Diskurso PH
Translate the website into your language:

Trump handa umanong umatake sa mga bansang magpapasok ng ilegal na droga sa US

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-12-03 08:41:39 Trump handa umanong umatake sa mga bansang magpapasok ng ilegal na droga sa US

WASHINGTON D.C. — Nagbabala si U.S. President Donald Trump na anumang bansa na sangkot sa pagpapasok ng ilegal na droga sa Estados Unidos ay maaaring maging target ng pag-atake ng militar. Ang pahayag ay ginawa sa isang cabinet meeting sa White House noong Disyembre 2, 2025, kasunod ng serye ng mga operasyon laban sa mga sinasabing drug-trafficking boats sa Caribbean at Pacific.

Anybody that’s doing that and selling it into our country is subject to attack,” ani Trump sa harap ng mga opisyal ng gobyerno. Dagdag pa niya, kung kinakailangan ay handa ang U.S. na magsagawa ng operasyon hindi lamang sa dagat kundi pati na rin sa lupa.

Ang babala ay partikular na tumukoy sa Colombia, matapos banggitin ni Trump ang problema ng cocaine na nagmumula sa naturang bansa. Bilang tugon, sinabi ni Colombian President Gustavo Petro sa isang post sa X na ang kanilang pamahalaan ay nagsisira ng isang drug-producing laboratory kada 40 minuto “without missiles”, bilang patunay na aktibo ang kanilang kampanya laban sa droga.

Sa mga nakalipas na buwan, inilunsad ng administrasyong Trump ang targeted missile strikes laban sa mga bangkang pinaghihinalaang nagdadala ng droga. Ayon sa mga ulat, dose-dosenang indibidwal ang nasawi sa mga naturang operasyon.

Ang pahayag ni Trump ay nagdulot ng pangamba sa ilang sektor, dahil maaaring magbukas ito ng mas malawak na tensyon sa pagitan ng U.S. at mga bansang sangkot sa drug trade. Gayunpaman, iginiit ng Pangulo na ang kanyang administrasyon ay determinado na pigilan ang pagpasok ng cocaine, fentanyl, at iba pang ipinagbabawal na gamot sa Amerika.

If they come through a certain country or any country… anybody that’s doing that and selling it into our country is subject to attack,” dagdag pa ni Trump.