Ina nalunod sa matinding baha sa Hat Yai, anak nakaligtas matapos ang 4 na araw sa ref
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-12-04 09:13:14
HAT YAI, THAILAND — Isang nakalulungkot na trahedya ang naganap sa lungsod ng Hat Yai, Songkhla province, matapos makaligtas ang isang babae sa loob ng apat na araw gamit ang isang lumulutang na refrigerator, habang ang kanyang ina ay nasawi sa matinding pagbaha.
Ayon sa ulat ng Thai PBS World, naghintay ng apat na araw ang mag-ina para sa saklolo sa kanilang bahay na lubog sa tubig. Sa kasamaang-palad, nalunod ang 80-anyos na ina matapos madulas sa rumaragasang tubig. Upang hindi tangayin ng malakas na agos, inilagay ng anak ang bangkay ng kanyang ina sa loob ng refrigerator na nagsilbing kanlungan niya habang naghihintay ng tulong.
Sa ulat ng Bangkok Post, natagpuan ng mga rescuer ang babae na kumakapit sa lumulutang na ref, kasama ang katawan ng kanyang ina. Ayon sa rescuer na si Acting Sub Lt. Wallop Boonchan: “It breaks my heart that we arrived too late. She drowned.”
Batay sa AsiaOne, tatlong araw naghintay ang babae bago dumating ang rescue team. Sa mga video na kumalat sa social media, makikitang halos abot-bubong na ang tubig sa kanilang bahay habang nakasandal ang babae sa refrigerator na nagsilbing kanyang lifeline.
Ang insidente ay nagdulot ng malawak na simpatya at pagdadalamhati sa Thailand. Maraming netizen ang nagpahayag ng kanilang pagkabigla at kalungkutan sa nangyari, na itinuturing na isa sa mga pinakamatinding trahedya ng kasalukuyang pagbaha sa rehiyon.
Patuloy na nagsasagawa ng relief operations ang mga awtoridad sa Songkhla at iba pang probinsya na lubhang naapektuhan ng malawakang pagbaha.
Larawan mula AsiaOne
