Bumalik ang demonyo sa bagong trailer ng 'The Conjuring: Last Rites'
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-08-01 17:10:53
MANILA — Handang-handa nang takutin muli ang mga manonood! Sa bagong trailer ng The Conjuring: Last Rites, muling sumabak sina Ed at Lorraine Warren sa isang kaso na bumalot sa kanilang nakaraan—at oo, isang demonyong matagal na nilang tinakasan ang nagbabalik.
Ang pelikula, na ipapalabas sa Setyembre 5, 2025, ay ang ikaapat at huling installment ng hit horror franchise na The Conjuring. Sina Patrick Wilson at Vera Farmiga ay balik bilang mag-asawang paranormal investigators, habang sina Orion Smith at Madison Lawlor ang gaganap sa kanilang mas batang bersyon sa mga flashback.
Sa trailer, makikita ang isang pamilya sa Pennsylvania noong 1986 na binabagabag ng kakaibang presensya. Pero hindi lang basta multo—isang demonyo mula sa unang kaso ng mga Warren ang muling lumitaw. Sabi ni Lorraine, “It’s the first one we’ve ever encountered. We were young, we were scared, we ran away.”
May eksena pa kung saan may nakasulat sa pader: “Miss me?”—na para bang nang-aasar pa ang demonyo!
Bukod sa mag-asawa, tampok din si Mia Tomlinson bilang si Judy Warren, ang anak ng mga Warren, na tila may “mana” sa kakayahan ng kanyang ina. Ayon kay Farmiga, “She’s obviously inherited this spiritual sensitivity… Judy has been the quiet force right behind everything that Lorraine does. She’s the light. She’s the reason that Lorraine still fights when she feels like there’s nothing left to give.”
Ang pelikula ay dinirek ni Michael Chaves, na kilala rin sa The Conjuring: The Devil Made Me Do It at The Nun II. Sina James Wan at Peter Safran ang mga producer, habang ang script ay mula kina Ian Goldberg, Richard Naing, at David Leslie Johnson-McGoldrick.
Sabi pa ni Farmiga, “This one’s different than the others. The other three were about hauntings, and this one is about reckoning, in a way.”
Mukhang hindi lang kilabot ang hatid ng pelikula—may puso rin!
Kung fan ka ng The Conjuring universe, siguradong hindi mo palalampasin ang huling kabanata ng kwento ng mga Warren. Ihanda na ang popcorn… at ang dasal!
Larawan Mula sa The Conjuring: Last Rites | Official Movie Site