Bea Alonzo itinanggi ang engagement kay Vincent Co: “I want to keep things private”
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-14 16:38:41
MANILA — Pinabulaanan ni Kapuso actress at entrepreneur Bea Alonzo ang kumakalat na balitang engaged na umano siya sa boyfriend niyang si Vincent Co.
Ayon kay Bea, walang katotohanan ang mga haka-haka tungkol sa umano’y proposal na nasaksihan pa raw ng kanilang pamilya at malalapit na kaibigan.
“Alam mo, nauunahan pa ng lahat ng mga tao yung mga pangyayari sa buhay ko. I have nothing to clarify and I want to keep things private and, yeah, there’s nothing to say actually,” pahayag ng aktres.
Dagdag pa niya, mas pinipili niyang maging pribado ang kanyang personal na buhay. “Parang alam mo, huwag na kayong maghintay kasi walang maging grand reveal. I really want to focus on my personal life being private right now,” aniya.
Gayunman, inamin ng aktres na masaya siya sa kasalukuyang estado ng kanyang buhay. “I’m very happy. Yes,” dagdag pa niya.
Matatandaang naging opisyal ang pag-amin ni Bea sa relasyon nila ni Co nang magkasama silang dumalo sa GMA Gala noong Agosto 2, 2025.
Ayon pa kay Bea, matapos ang halos 25 taon sa showbiz, nais niyang bigyan ng mas maraming oras ang iba pang bagay na hindi pa niya natututukan. “Feeling ko, hindi ko pa nari-reach yung full potential ko when it comes to other things, like business, and I’m really enjoying discovering kung ano pa yung kaya kong gawin,” ani ng aktres.
Sa ngayon, wala pang pormal na anunsyo mula sa kampo nina Bea at Vincent tungkol sa susunod na hakbang sa kanilang relasyon.