Lars Pacheco, sinagot ang sumbat ng ina ng ex-partner: ‘Pitong taon, ako ang nag-aruga at sumuporta’
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-14 16:18:04
Seryembre 14, 2025 – Naglabas ng matapang na pahayag si social media personality Lars Pacheco kaugnay ng naging komento ng ina ng kanyang dating karelasyon na si Clyde, matapos siyang akusahan na tila iniwan ang responsibilidad at walang sapat na naitulong sa loob ng kanilang pitong taong pagsasama.
Sa isang komento na kumalat online, sinabi ng ina ni Clyde na si Lars ay “hindi kakayanin ang pitong taon” kung siya lang mag-isa, at iginiit na maraming sakripisyo ang kanyang anak kabilang ang pagsuporta sa mga vlog at pagbibiyahe ng dating karelasyon.
Agad itong sinagot ni Pacheco sa pamamagitan ng isang mahabang post. Giit niya, hindi totoo na siya ay walang ginampanang bahagi sa relasyon. Ayon kay Lars, 20 anyos noon si Clyde at 21 siya nang magsimula silang maging magkasintahan, at mula sa umpisa ay malinaw na kondisyon niya ang pagpapatuloy ng pag-aaral.
“Sa pitong taon mas kilala ko anak niyo dahil ako ang kasama sa araw-araw… Wala akong ibang hinihiling kundi mag-grow si Clyde,” pahayag ni Pacheco.
Ibinahagi rin niya na sa kanilang kita sa social media, siya ang nag-alok ng 50-50 na hati ngunit tumanggi umano si Clyde. Dagdag pa ni Lars, halos lahat ng gastusin—mula sa hospital bills hanggang sa mga personal na proyekto tulad ng pagbili ng aso at computer para sa streaming—ay siya ang nagpondo.
“Sa pitong taon, ako ang nagmahal, nag-alaga, kasama sa lahat. Pitong taon, never naging kawawa ang anak niyo, never nagutom, never namroblema sa pera,” dagdag pa niya.
Pinunto rin ni Pacheco na mas naging “nanay” ang naging papel niya kaysa isang partner, at handa siyang magsakripisyo dahil mahal niya si Clyde. Gayunpaman, nasaktan umano siya nang marinig sa isang family gathering na wala nang problema ang pamilya dahil “kay Lars na si Clyde.”
“Nagtanong ba kayo noon kung saan ako kumukuha ng pera? Wala. Ako lahat,” giit pa ng social media personality.
Sa huli, nilinaw ni Pacheco na wala siyang intensyong siraan si Clyde, ngunit iginiit niyang hindi dapat ipagwalang-bahala ang pitong taong suporta at pagmamahal na ibinigay niya.