Diskurso PH
Translate the website into your language:

Tingnan: Aso, nakitang naghahanap sa kanyang amo matapos ang 6.9 magnitude na lindol

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-10-02 00:30:05 Tingnan: Aso, nakitang naghahanap sa kanyang amo matapos ang 6.9 magnitude na lindol

CEBU — Sa gitna ng matinding pinsala na dulot ng 6.9-magnitude na lindol sa hilagang bahagi ng Cebu, isang nakakaantig na tanawin ang bumihag sa damdamin ng mga residente sa Sitio Canduang, Barangay Damolog.

Isang aso ang nakita ng mga kapitbahay at rescuer na pagala-gala sa paligid ng guho ng isang bahay na gumuho dahil sa pagguho ng lupa. Ayon sa mga residente, ang aso ay pagmamay-ari ng isang matandang babae na mag-isang naninirahan sa nasabing bahay. Sa kasamaang-palad, hindi na nakaligtas ang matanda matapos matabunan ng gumuhong bahay.

Ngunit kahit wala na ang kanyang amo, nanatili pa rin ang aso sa lugar ng trahedya, tila patuloy na naghahanap at naghihintay. “Hindi siya umaalis kahit delikado. Para bang hinahanap niya pa rin ang amo niya,” wika ng isang kapitbahay.

Nakikita ng mga boluntaryo ang aso na paikot-ikot, inaamoy ang mga bato at lupa, wari’y umaasa na muling makikita ang amo. Marami ang naantig at napaluha sa ipinakitang katapatan ng alagang hayop.

Nagpahayag naman ang ilang animal welfare groups na handa silang kupkupin at alagaan ang aso habang nagpapatuloy ang rescue at relief operations. Para sa mga residente, ang kwento ng aso ay patunay na sa kabila ng trahedya, mananatiling matatag ang pagmamahal at katapatan hanggang sa huling sandali. (Larawan: Avie Villa, The Freeman / Facebook)