Travel vlogger, binatikos sa pagsuot ng swimsuit na may disenyo ng watawat ng Pilipinas
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-30 16:29:20
Setyembre 30, 2025 – Umani ng batikos mula sa netizens ang isang travel content creator na si Teejay Hughes, isang Filipino-American vlogger na nakabase sa Miami, matapos niyang ibahagi sa social media ang litrato kung saan siya ay nakasuot ng swimsuit na may mga elemento ng watawat ng Pilipinas.
Sa nasabing larawan, makikitang malinaw ang disenyo na hango sa pambansang sagisag — kabilang na ang asul at pulang bahagi, pati na rin ang dilaw na araw na may walong sinag. Ayon kay Hughes, pinili niyang isuot ang naturang kasuotan upang maipakita ang kanyang pinagmulan. Sa caption ng kanyang post, sinabi niya: “Ako ay Pilipino. I bought these so they don’t even have to ask if I’m Filipino anymore.”
Subalit hindi lahat ng netizens ay natuwa sa kanyang ginawa. Marami ang nagpahayag ng pagkadismaya dahil maituturing umano itong paglapastangan sa Republic Act 8491 o mas kilala bilang “Flag and Heraldic Code of the Philippines.”
Nakasaad sa RA 8491 na mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng bandila, o anumang bahagi ng disenyo nito, bilang dekorasyon, kasuotan, o komersyal na produkto. Ang batas ay ginawa upang mapanatili ang respeto sa pambansang simbolo na kumakatawan sa kasaysayan, kalayaan, at soberanya ng bansa.
Ayon sa probisyon, ang sinumang lumabag ay maaaring maharap sa multang hindi bababa sa ₱5,000 at hindi hihigit sa ₱20,000, o kaya’y pagkakakulong mula tatlo (3) hanggang anim (6) na buwan.
Hindi ito ang unang pagkakataon na naging isyu ang maling paggamit ng watawat. Noong 2018, naglabas ng babala ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP) laban sa mga kumpanyang naglalabas ng produkto, gaya ng sapatos at damit, na may disenyong hango sa bandila. Paliwanag ng ahensya, ang mga ganitong gawain ay nakababawas sa dangal at simbolismo ng watawat.
Kamakailan lamang din ay ilang personalidad at mga negosyo ang kinastigo sa social media dahil sa parehong paggamit ng pambansang sagisag bilang bahagi ng fashion at marketing campaigns.
Samantala, hati ang opinyon ng mga netizens tungkol sa ginawa ni Hughes. May mga nagsasabing simpleng paraan lamang ito upang ipakita ang kanyang pagmamalaki bilang isang Pilipino, lalo na’t nakabase siya sa ibang bansa. Ngunit para naman sa iba, malinaw na hindi ito katanggap-tanggap sapagkat ang watawat ay hindi ordinaryong disenyo kundi isang banal na simbolo ng bansa na dapat igalang at hindi gawing kasuotan.
Hanggang sa ngayon, patuloy pa ring nagiging paksa ng diskusyon online ang isyu. Bagama’t wala pang opisyal na pahayag mula sa NHCP o iba pang ahensya ng gobyerno kaugnay sa post ng vlogger, marami ang nananawagang ipatupad ang umiiral na batas upang hindi na maulit ang ganitong uri ng kontrobersya.
Larawan: Teejay Hughes Facebook