Piskalya, humihiling ng higit 11 taon na pagkakakulong para kay Sean “Diddy” Combs
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-30 21:10:38
WASHINGTON D.C.— Humihiling ang mga piskal ng pederal na korte na patawan ng mahigit 11 taon na pagkakakulong ang kilalang American music mogul na si Sean “Diddy” Combs, matapos siyang mahatulang guilty sa dalawang kaso kaugnay ng Mann Act, na nagbabawal sa paggamit ng transportasyon para sa prostitusyon.
Sa mga dokumentong inihain nitong linggo, iginiit ng mga piskal na dapat makulong si Combs ng hindi bababa sa 135 buwan o katumbas ng halos 11 taon at 3 buwan. Ayon sa kanila, ang desisyon ay nararapat dahil sa bigat ng mga kasong kinasangkutan nito at sa pinsalang idinulot sa mga biktima.
Si Combs, 55, ay nahatulan noong Hulyo 2025 matapos mapatunayang nag-organisa ng mga drug-fueled na pagtitipon kung saan pinipilit umanong makipagtalik ang ilang babae at lalaking sex workers. Ayon sa mga imbestigador, ginamit niya ang kanyang impluwensiya at yaman upang magdala ng mga indibidwal sa iba’t ibang estado ng U.S. para sa naturang gawain.
Bagama’t naabsuwelto siya sa mas mabibigat na kaso gaya ng sex trafficking at racketeering, nanindigan ang prosekusyon na dapat pa ring pagbayaran ng rapper-producer ang kanyang mga kasalanan. Ayon pa sa kanila, nananatili itong “unrepentant” o hindi nagsisisi, at malinaw na ang kanyang mga ginawa ay hindi dapat maliitin.
Samantala, nananawagan naman ang kampo ng depensa na ibaba ang posibleng parusa sa 14 buwan lamang. Giit ng kanyang mga abogado, malaki na ang naitulong ng rehabilitasyon at substance abuse treatment kay Combs, at iginiit nilang dapat isaalang-alang ng korte ang kanyang personal na pagbabago.
Nakasaad din sa kanilang apela na sapat na ang halos isang taon na nakulong na si Combs, at dapat na itong bigyan ng pagkakataon upang muling makapagsimula.
Itinakda ng korte ang sentensiya sa Oktubre 3, 2025, kung saan pinal na magpapasya ang hukom kung susundin ang rekomendasyon ng mga piskal o papaboran ang mas maikling parusa na hinihiling ng depensa.
Si Combs, na minsang tinaguriang isa sa pinakamalaking pangalan sa industriya ng musika at negosyo, ay nahaharap ngayon sa pinakamabigat na hamon sa kanyang buhay at karera. Ang magiging desisyon ng korte sa darating na linggo ay inaasahang magbibigay ng malaking epekto hindi lamang sa kanyang kinabukasan kundi maging sa imahe ng showbiz at entertainment industry sa Amerika.