Abangan: Total lunar eclipse o ‘blood moon’, masisilayan sa Setyembre
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-08-30 02:22:08
MANILA, Philippines — Bilang bahagi ng pambihirang kaganapan sa kalangitan, masisilayan ng mga Pilipino ang Total Lunar Eclipse o “Blood Moon” sa darating na Setyembre 7 hanggang 8.
Ayon sa mga astronomers, ang nasabing celestial event ay makikita sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kaya’t inaasahang sabik ang mga astrophotographer at skywatcher upang masaksihan ang mala-dramatikong tanawin.
Sa panahon ng total lunar eclipse, dumadaan ang Buwan sa likod ng anino ng Mundo at tuluyang natatakpan ng shadow nito. Sa halip na maging itim o madilim, nagiging kulay pula o “blood red” ang Buwan dahil sa pag-refract ng liwanag mula sa atmospera ng mundo — dahilan kung bakit tinatawag din itong Blood Moon.
“Mark your calendars dahil sa gabi ng Setyembre 7 hanggang madaling-araw ng Setyembre 8, sabay-sabay nating masisilayan ang kakaibang tanawin sa kalangitan,” ayon sa paalala ng mga eksperto.
Hinihikayat ang publiko na pumili ng lugar na malayo sa liwanag ng lungsod upang mas malinaw na makita ang eclipse. Gayunpaman, nakadepende pa rin ito sa kondisyon ng panahon. “Nawa’y hawiin ang mga ulap para ating masilayan si Luna na kulay pula,” dagdag pa ng ilang tagamasid.
Ang ganitong uri ng pangyayari ay bihira at nagsisilbing paalala ng hiwaga at kagandahan ng kalikasan. Dahil libre at bukas sa lahat, tiyak na magiging highlight ito ng mga mahilig sa stargazing ngayong buwan. (Larawan: Google)
