‘Mosquito-free no more!’ Lamok nadiskubre sa Iceland
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-23 09:38:01
REYKJAVIK — Sa kauna-unahang pagkakataon, nakumpirma ng mga siyentipiko ang presensya ng lamok sa Iceland, isa sa mga huling lugar sa mundo na dating itinuturing na mosquito-free.
Ayon sa Natural Science Institute of Iceland, tatlong lamok na kabilang sa species na Culiseta annulata — dalawang babae at isang lalaki — ang natagpuan sa Kjós, isang bayan 30 kilometro hilaga ng kabisera.
Ang mga lamok ay nakolekta gamit ang “wine ropes,” isang teknik na gumagamit ng tela na sinawsaw sa pinainit na alak upang makaakit ng mga insekto. “They were all collected from wine ropes aimed at attracting moths,” ayon kay entomologist Matthias Alfredsson.
Ang Culiseta annulata ay kilalang matibay na species na kayang mabuhay sa malamig na klima ng Europa at Siberia. Ayon sa mga eksperto, ang pag-init ng klima sa Iceland — na mas mabilis kaysa sa karaniwang bilis sa Northern Hemisphere — ang posibleng dahilan kung bakit naging mas angkop ang kapaligiran para sa lamok.
“I could tell right away that this was something I had never seen before,” ani insect enthusiast Björn Hjaltason, na unang nakakita sa lamok noong Oktubre 16 habang nag-oobserba ng mga gamu-gamo sa kanyang hardin.
Ang pagtuklas ay nagdulot ng pangamba sa mga eksperto sa kalusugan ukol sa posibleng pagpasok ng mga sakit na dala ng lamok, pati na rin sa mga pagbabago sa ekolohiya ng bansa. Dati, tanging Iceland at Antarctica ang mga rehiyon sa mundo na walang natural na populasyon ng lamok.
Larawan mula sa Encylopedia
