Tropa sa Pangarap: Mag-bestfriend na criminology students, nagpapasada ng bus para sa makatapos ng pag-aaral
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-25 00:36:40
OKTUBRE 25, 2025 — Isang inspiradong kuwento ng pagkakaibigan, sakripisyo, at determinasyon ang ibinabahagi ng dalawang magbest friend mula Rosario, Cavite — sina Charles Bari Marquez at Luigi Aragon Butial, kapwa 20 taong gulang at kasalukuyang kumukuha ng Bachelor of Science in Criminology sa Granby Colleges Science and Technology.
Tuwing walang pasok, hindi sa tambayan o gala matatagpuan ang dalawa, kundi sa kalsada — si Charles bilang driver ng babybus at si Luigi bilang kundoktor. Sa bawat biyahe mula Naic hanggang Zapote, kumikita sila ng ₱1,500 kada pasada, na patas nilang hinahati.
Ayon sa kanila, hindi madali ang pinagsasabay na pag-aaral at paghahanapbuhay. Si Luigi ay ulila na sa mga magulang at kasama lamang ang kapatid sa buhay, samantalang ang ama ni Charles ay tricycle driver at ang ina naman ay health worker. Sa kabila nito, hindi sila nawawalan ng pag-asa — bagkus, ginagawang inspirasyon ang bawat hamon upang maabot ang kanilang pangarap.
“Hindi namin kayang umasa lang. Kaya habang maaga, nagtatrabaho kami para matulungan ang pamilya at masuportahan ang pag-aaral,” ani Charles.
Mula elementarya hanggang kolehiyo, magkasama na ang magkaibigan. Sa kanilang kwento, makikita na ang tagumpay ay hindi lang nasusukat sa medalya o sertipiko — kundi sa pusong marunong magsikap at magpursige.
Sa hinaharap, umaasa silang pareho na makapagsuot ng uniporme — hindi na bilang driver at kundoktor, kundi bilang mga alagad ng batas na maglilingkod sa bayan nang may dangal, disiplina, at malasakit.
Isang kwento ng inspirasyon — patunay na ang pangarap, gaano man kahirap, ay kayang abutin ng may sipag, tiyaga, at pagkakaibigan. (Larawan: Facebook)
