Diskurso PH
Translate the website into your language:

IKEA, binuksan na ang ‘Plan & Order’ shop sa Trinoma, QC

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-24 20:05:14 IKEA, binuksan na ang ‘Plan & Order’ shop sa Trinoma, QC

OKTUBRE 24, 2025 — May bago nang tambayan ang mga mahilig sa home makeover! Binuksan na ng IKEA ang kanilang kauna-unahang “Plan & Order” shop sa Trinoma Mall, at kahit maliit ito kumpara sa Pasay flagship, malaki ang ambisyon.

Sa sukat na 400 square meters, hindi ito kasing laki ng world’s biggest IKEA sa Pasay, pero huwag paloko sa laki — dito, puwede ka pa ring magpa-design ng bahay, umorder ng kahit anong produkto mula sa buong IKEA catalog, at bumili ng mga essential na gamit sa bahay gaya ng plato, kawali, at organizers.

“Pots, pans, dinnerware, glassware, home organizers. These are the most frequent products in the blue bags of our customers,” ani IKEA Philippines Country Retail Manager Ricardo Pinheiro. 

(Kawali, plato, baso, at mga pang-ayos sa bahay. Ito ang madalas laman ng blue bags ng mga customer namin.)

Bukod sa design studio na may staff na tutulong sa pagbuo ng dream home mo, cashless din ang buong branch — kaya siguraduhing may card o e-wallet ka bago mag-shopping.

Pero hindi lang ito tungkol sa shopping. Para kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, malaking bagay ang pagpasok ng IKEA sa lungsod. 

“I can predict the future and I know you will open a warehouse here as well very, very soon. And I just wanna say that when that happens, Quezon City is your partner,” biro ni Belmonte. 

(Nakikita ko ang hinaharap at alam kong magtatayo rin kayo ng warehouse dito. Kapag nangyari ’yon, katuwang ninyo ang Quezon City.)

Ayon kay Pinheiro, inaasahan nilang lalampas sa isang milyong bisita ang papasok sa kanilang mga tindahan ngayong holiday season — doble sa karaniwang dami ng tao tuwing Nobyembre hanggang Enero.

Para naman kay Ayala Malls SVP Mariana Zobel de Ayala, ang partnership ay higit pa sa negosyo. 

“IKEA’s arrival at Trinoma is more than a retail expansion, it’s a shared commitment to uplifting everyday living,” aniya. 

(Hindi lang ito expansion, kundi pagtutulungan para pagandahin ang araw-araw na pamumuhay.)

Wala pang detalyeng ibinibigay kung saan ang susunod na branch, pero tiyak na may mas malaki pang plano ang IKEA para sa Pilipinas.

(Larawan: IKEA)