Toro family, scripted daw? Yaya ni Dodong naglabas ng rebelasyon laban sa reality show
Gerald Ericka Severino  Ipinost noong 2025-10-30 22:30:45 
            	October 30, 2025 – Umuugong ngayon sa social media ang isyung kinakaharap ng Toro Family Reality Show matapos ang paglabas ng pahayag ng umano’y yaya ni Dodong, anak ni Papi Galang. Ayon sa kanya, scripted umano ang ilang eksena sa pinakabagong episode ng naturang programa.
Sa isang viral post na kumakalat ngayon sa Facebook, sinabi ng yaya na pinag-utusan lamang daw siya ng production team na umarte at gumawa ng eksenang magdudulot ng kontrobersiya para sa mas mataas na engagement at trending status ng show.
“Sinabihan lang po ako na gawin ’yung part na ’yun para mas maging interesting daw sa viewers. Hindi ko alam na lalaki nang ganito ang issue,” pahayag umano ng yaya.
Dagdag pa niya, may ilang pagkakataon na pinaplano na umano ang mga eksena bago pa ang mismong shooting, kabilang na ang mga ‘drama’ at ‘bangayan’ na madalas mapanood ng mga tagasubaybay.
Dahil dito, maraming netizens ang naghayag ng pagkadismaya, lalo na’t matagal nang ipinagmamalaki ng Toro Family Reality Show na “totoong-totoo” at hindi raw umaarte ang mga miyembro ng pamilya sa harap ng kamera.
“Kung totoo ito, parang niloko kami bilang viewers. Akala namin real-life scenes talaga ‘yun,” komento ng isang netizen.
Gayunman, may ilan ding tagasuporta ang nanatiling kampante, sinasabing bahagi lang umano ito ng creative direction ng programa at hindi dapat gawing isyu ang paggamit ng script kung layunin nitong maghatid-aliw sa publiko.
Hanggang sa kasalukuyan ay wala pang opisyal na pahayag mula sa kampo ni Papi Galang o ng pamunuan ng Toro Family Reality Show kaugnay ng kontrobersiyang ito.
Patuloy namang nag-aabang ang mga netizens kung magsasalita rin ba ang iba pang miyembro ng Toro Family upang linawin ang isyung kumakalat ngayon online.
