Diskurso PH
Translate the website into your language:

Kiray Celis humingi ng tawad sa mga OFW sa kontrobersyal na Japan prenup shoot: ‘Wala pong masamang intensyon’

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-11-13 21:20:17 Kiray Celis humingi ng tawad sa mga OFW sa kontrobersyal na Japan prenup shoot: ‘Wala pong masamang intensyon’

Nobyembre 13, 2025 – Humingi ng paumanhin ang komedyante at negosyanteng si Kiray Celis matapos siyang umani ng pambabatikos dahil sa mga litrato ng kanilang prenup photoshoot sa Japan na nag-viral kamakailan.

Sa mga larawan, makikitang nakaupo si Kiray sa ibabaw ng isang vending machine, isang eksena na ikinainis ng ilang netizens at mga kababayan nating OFW sa Japan, dahil umano sa kawalan ng respeto sa kultura ng nasabing bansa.

Ayon kay Kiray, wala siyang intensyong makasakit o magdulot ng kontrobersya. Ipinaliwanag niyang may permiso sila mula sa mga otoridad sa Japan bago isinagawa ang shoot, kaya’t wala silang nilabag na batas o regulasyon.

 “Mayroon po tayong permission sa mga authority. Kaya, no harm done. Hindi po kailangan mag-worry. At sa mga Pilipino at OFW lalo na sa Japan, pasensya na po kayo,” ani Kiray sa media launch ng kanyang Kiray’s Brand.

Dagdag pa niya, nauunawaan niya ang damdamin ng mga netizens na na-offend, at aminadong may natutunan siyang mahalagang aral sa nangyari.

 “Ang lesson po talaga dito ay isipin muna kung ano ‘yung gagawin mo. Akala ko wala lang ‘yun, pero sa ibang tao pala, big deal talaga,” pahayag ng komedyana.

Sinabi rin ni Kiray na kung mabibigyan siya ng pagkakataon, handa siyang ulitin ang shoot sa mas maingat na paraan, upang maiwasan ang anumang hindi pagkakaunawaan sa hinaharap.

 “Kung sakaling maulit, hindi ko na po kayo gagalitin. That’s for love, and I love you all,” dagdag pa niya.

Samantala, sa nasabing press event, ipinakilala rin ni Kiray ang bago niyang Hot Babe Green, isang produktong pangkalusugan na bahagi ng Kiray’s Brand wellness line. Kabilang dito ang mga flavor na Chamomile Tea, Lemongrass Pandan, at Pistachio Matcha, na aniya ay idinisenyo para sa pagpapahinga at balanced lifestyle.

Bukod dito, inilunsad din ng aktres ang kanyang bagong skin care brand na Skin Vibe, tampok ang Singova Bleaching Scrub at Pwettura Bleaching Cream, na layuning palaganapin ang self-care at kumpiyansa sa sarili.

Sa kabila ng kontrobersiya, pinanatili ni Kiray ang pagiging kalmado at positibo, sabay paalala sa publiko na mas mainam ang pag-unawa kaysa sa panghuhusga.

 “Wala po tayong sinadyang mali. Ang importante, marunong tayong humingi ng tawad kapag may nasaktan,” pagtatapos ni Kiray.