Diskurso PH
Translate the website into your language:

Pepe hterrera, nagbitiw sa ‘Your Face Sounds Familiar’ para unahin ang matinding laban sa mental health

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-11-17 22:56:27 Pepe hterrera, nagbitiw sa ‘Your Face Sounds Familiar’ para unahin ang matinding laban sa mental health

Nobyembre 17, 2025 – Nagpasabog ng emosyon si Pepe Herrera matapos niyang opisyal na mamaalam bilang celebrity contestant ng Your Face Sounds Familiar Season 4. Inanunsiyo ng Kapamilya program nitong Linggo, November 16, 2025, na tuluyan nang umurong ang aktor para bigyang-prayoridad ang kanyang kalusugang pang-isipan.

Kinumpirma ng hosts na sina Vhong Navarro at Jhong Hilario na kailangan ni Pepe ng panahon para sa kanyang kapakanan, kaya pinili niyang huminto muna sa kompetisyon. Ayon sa kanila, pinakamahalaga pa rin ang kalusugan ng bawat performer.

Sa inilabas na video ng programa, inamin ng komedyante na matagal na siyang nakikipaglaban sa depresyon at anxiety attacks—simula pa raw noong siya ay 13-anyos. Sa paglipas ng mga taon, itinago raw niya ang bigat na nararamdaman sa pamamagitan ng pagpapatawa at pagpapanggap, pero ngayon ay hindi na raw kayang itago ng kanyang katawan ang pagod at trauma na pinasan niya nang matagal.

Ibinahagi rin ni Pepe na nitong mga nakaraang araw ay nakaranas siya ng sunod-sunod na panic attacks, insomnia, matinding panginginig, pamamanhid, at kirot sa dibdib—mga sintomas na halos nagpabagsak sa kanya. Dumating pa raw sa puntong inakala niyang “mamamatay na siya,” bagay na nag-udyok sa kanya na magpatingin sa psychotherapist.

Dahil dito, napagdesisyunan ng aktor na magpahinga muna mula sa trabaho at mag-focus sa treatment. Ayon kay Pepe, napakahirap para sa kanya bilang breadwinner, pero suportado siya ng kanyang asawa. Aminado siyang kailangan niyang “lunukin ang pride” at mangutang pansamantala dahil mawawalan siya ng income sa mga susunod na buwan habang nagpapagaling.

Humingi rin siya ng paumanhin sa Your Face Sounds Familiar family, ngunit iginiit niyang kailangan niyang piliin ang kanyang kalusugan. Pinangako ni Pepe na magiging mas tapat at mas totoo na siya sa sarili at sa mga taong sumusuporta sa kanya.Sa huli, nag-iwan siya ng mensahe para sa lahat ng lumalaban din sa mental health struggles:

“Huwag n’yong kalimutang hindi kayo nag-iisa. Sana makuha n’yo ang tulong at paggaling na nararapat sa inyo.”

Nakiusap din si Pepe sa ABS-CBN na ipakita sa screen ang mental health hotlines upang makatulong sa mga nangangailangan.

Para sa nangangailangan ng agarang tulong, maaaring tumawag sa National Center for Mental Health Crisis Hotline: 1553, o sa mga numerong (02) 7-989-8727at 0966-351-4518.