Derek Ramsay, bawal lumapit kina Ellen at baby Lily dahil sa Barangay Protection Order
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-11-20 02:45:53
Nobyembre 20, 2025 – Nagiging mas kumplikado ang sigalot sa pagitan nina Ellen Adarna at Derek Ramsay matapos makumpirmang may Barangay Protection Order (BPO) laban sa aktor—isang hakbang sa ilalim ng RA 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.
Bawal lumapit, kaya no-show sa birthday ng anak. Ayon sa isang source, ang BPO ang dahilan kung bakit hindi nakadalo si Derek sa unang kaarawan ng anak nila ni Ellen na si Lily.
Sa ilalim ng RA 9262, ang BPO ay isang kautusan ng Punong Barangay na nagbabawal sa isang inaakusahang perpetrator na gumawa o magsimula ng anumang uri ng pananakit o pananakot. Epektibo ito sa loob ng 15 araw.
Ikinuwento ng insider na kung nagpunta si Derek sa selebrasyon, “may posibilidad daw na maaresto siya dahil sa restriksiyon ng BPO,” kaya hindi na ito sumubok pang dumalo.
Maalala na sinabi ni Ellen sa social media na inaanyayahan si Derek sa party, ngunit hindi niya raw alam kung bakit ito hindi sumipot.
‘Marami raw butas ang resibo’. Ayon sa source, may mga bahagi umano sa mga ibinabahagi ni Ellen na tingin nilang hindi tugma o kulang sa konteksto.
Gayunman, nananatiling kalma si Derek, na sinabing “malinis ang konsensiya” niya. Dagdag pa ng insider, naniniwala sila na “time is the ultimate truth-teller,” at sa bandang huli raw ay lilitaw ang katotohanan sa lahat ng nangyayari.
Bakit may recording si Ellen? Isa rin sa ikinagtataka ng kampo ni Derek ay ang diumano’y pagre-record ni Ellen ng kanilang mga argumento habang magkasama pa sila.
Kamakailan, naglabas ang aktres ng video ng kanilang pagtatalo noong anim na buwan pa lamang siyang buntis kay Lily. Ibinahagi niya ito sa Instagram, na agad namang nag-ingay sa social media.
Pahayag ni Derek: ‘Hindi ko minura ang asawa ko’. Sumagot ang aktor sa isang komento sa social media coach na si Vanessa Antonio, kung saan iginiit nitong hindi niya minumura si Ellen.
Ayon kay Derek, ang video kung saan tila narinig siyang nagmura ay bahagi lamang ng kanilang pagpaprangkahan at kulitan, at hindi umano iyon seryosong pagtatalo.
Ngunit ilang oras matapos ito, nag-post si Ellen ng screenshot ng sagot ni Derek na may caption na, “Hay naku Derek.”
Kasunod nito, naglabas muli ang aktres ng isa pang video noong 2024 kung saan maririnig ang boses umano ni Derek na sinasabing:
“Napakaduwag mo. Puro ka lang salita. ‘Yan ang problema sa’yo. You avoid every f*ing conflict in life.”
‘May side chick si mister’—panibagong alegasyon. Bukod sa lumang recordings, una nang naglabas si Ellen ng alegasyon tungkol sa umano’y pagkakaroon ni Derek ng “side chick.” Hindi pa ito sinasagot nang diretso ng kampo ng aktor.
Sa isang IG story, makikitang kasama ni Ellen ang ex-girlfriend ni Derek na si Joanne Villablanca, at tila close at nakangiti pa silang dalawa, bagay na tila nagpapahiwatig ng suporta kay Ellen.
Nakatira pa rin sa bahay ni Derek. Tiniyak ni Ellen na nananatili pa rin siya sa bahay ni Derek, ngunit umano’y humingi na siya ng tulong sa barangay upang magkaroon sila ng malinaw na agreement: hindi muna babalik ang aktor sa bahay hanggang hindi pa naililipat ni Ellen ang kanyang mga anak.
Patuloy na umiinit ang sitwasyon. Habang dumarami ang inilalabas na “resibo,” mas umiinit ang usapin. Marami ang nalilito, nangangamba, at nag-aabang kung saan tutungo ang bangayan ng dating mag-asawa.
Sa ngayon, pareho silang aktibo sa social media—at sa bawat post, tila mas lalo pang nadaragdagan ang drama sa kanilang hiwalayan, na tinawag pa ng ilang netizens naparang “high-budget teleserye sa totoong buhay.”
Larawan: Ellen Adarna Instagram
