Hustisya, isinisigaw ng pamilya ni Ivan Cezar Ronquillo
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-11-20 22:18:38
Nobyembre 20, 2025 – Sa gitna ng matinding pagdadalamhati, nanindigan ang pamilya ni Ivan Cezar Ronquillo na hindi sila titigil hangga’t hindi nakukuha ang hustisya para sa 24-anyos na content creator na pumanaw ilang araw matapos ang biglaang pagkamatay ni Gina Lima. Sa emosyonal na mensahe ng pamilya, mariin nilang sinabi: “Now that you’re gone, we promise, we will stand for you and fight for your justice.”
Hindi lang Pilipinas ang nagluksa—naging laman din ng international media ang magkasunod na pagkasawi nina Gina at Ivan, na halos hindi makapaniwala ang kanilang followers sa bilis ng pangyayari. Maging ang People Magazine at TMZ, dalawa sa pinakamalalaking entertainment outlets sa US, ay naglabas ng headline tungkol sa kanila.
Sa People.com, namayagpag ang title na: “Influencer Gina Lima, 23, and Her Ex-Boyfriend, 24, Die 3 Days Apart.”
Samantala, mas intense ang bitaw ng TMZ: “Filipino Influencers Gina Lima And Ivan Ronquillo Die Just One Day Apart.”
Pero ayon sa mga nakakakilala sa dalawa, may mali sa mga detalye ng TMZ—lalo na sa petsa—dahil pumanaw si Gina noong November 16, habang si Ivan naman ay November 19. Sa kabila nito, naging sentro sila ng global attention, isang nakakalungkot na realidad na napansin ng maraming netizens: mas napagtutuunan sila ng pansin ngayon dahil sa malagim na paraan ng kanilang pagpanaw.
Nakaburol ngayon ang labi ni Ivan sa San Fernando Funeral Homes sa Kaingin Road, Quezon City. Hindi pa rin napagpapasyahan ng pamilya ang eksaktong petsa ng paglilibing.
Sa isang simpleng pero napakasakit na mensahe, nagpaalam ang ama ni Ivan: “Goodbye my son, tatay loves you so much.” Siya rin ang kasama ni Ivan nang dalhin nila si Gina sa ospital, matapos matagpuan ng binata ang walang malay na katawan ng modelo sa loob ng kanyang bahay. Sa kasamaang palad, idineklarang dead on arrival si Gina.
Mas mabigat ang tanong at lungkot para kay Sheila Rodriguez, kapatid ni Ivan, na huling nakasama ang kapatid sa isang dinner sa Tomas Morato—ilang oras bago ang trahedya. Kasama pa nila ang isang kaibigan at masaya raw ang usapan nila bago sila naghiwa-hiwalay.
“YOU WERE HURTING SILENTLY.” – SHEILA Sa isang mahabang pahayag, hindi napigilang ilabas ni Sheila ang kirot at galit na nararamdaman niya. Ayon sa kanya, matagal nang tahimik na nagdurusa ang kanyang kapatid habang pinapasan ang bigat ng mga akusasyong hindi naman daw totoo.
Anya: “My brother Ivan took his own life after quietly struggling with pain that many could not see… We will not allow justice to be denied. All your concerns regarding what Ivan went through will be addressed.”
Hindi rin nito napigilan ang pagbuhos ng emosyon habang inaalala ang huling sandali nila.
“Kagabi, magkasama pa tayo sa Morato… Ang sakit, Van. Sobra. Mahal na mahal kita, kapatid ko.”
Habang patuloy ang imbestigasyon, naninindigan ang pamilya Ronquillo na ipaglalaban nila ang pangalan ni Ivan—at ang mga tanong sa likod ng magkakasunod na pangyayaring nagpagimbal sa publiko.
Samantala, maraming kaibigan at followers nina Gina at Ivan ang patuloy na nagpapadala ng suporta at pakikiramay, habang umaasang lilinaw ang buong kuwento sa mga susunod na araw.
