Miss Universe 2025 judge Louie Heredia, inaakusahan ng favoritism; tatlong hurado nag-resign bago ang finals
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-11-20 21:58:09
Nobyembre 20, 2025 – Patuloy ang pag-uga ng prestihiyosong Miss Universe 2025 matapos kumalat ang mga bagong kontrobersiya ilang araw bago ang coronation night. Mula sa walkout ng ilang kandidata, hanggang sa sunod-sunod na pagbibitiw ng mga hurado, hindi matapos-tapos ang drama na bumabalot sa kompetisyon ngayong taon.
Nagsimula ang tensiyon noong Nobyembre 4, 2025 nang mag-walkout si Miss Universe 2024 Victoria Kjaer Theilvig at ilan pang contestants bilang suporta kay Miss Mexico Fatima Bosch. Hindi nila nagustuhan ang umano’y lantaran at hindi makatarungang pambabastos ni Nawat Itsaragrisil, ang national director ng Miss Universe Thailand at executive director ng MUO. Humingi na ng paumanhin si Nawat, ngunit tila hindi nakatulong ang apology upang pahupain ang sunod-sunod na isyu.
Tatlong araw bago ang grand finals, biglang nagbitiw sa puwesto ang dalawang Selection Committee members: ang Lebanese-French musician na si Omar Harfouch at ang French football player na si Claude Makélélé. Sa isang Instagram post, sinabi ni Harfouch na hindi na siya magpapatuloy bilang hurado dahil umano ay may “impromptu jury” nang pumili ng finalists bago pa ang coronation night. Samantala, “personal reasons” naman ang maikling paliwanag ni Makélélé tungkol sa kaniyang pag-atras.
Dalawang araw bago ang finals, sinundan pa ito ng pagbibitiw ni Princess Camilla di Borbone, na siya sanang presidente ng Miss Universe 2025 Selection Committee. Hanggang ngayon ay wala pa siyang inilalabas na pahayag tungkol sa tunay na dahilan ng kaniyang pagresign, na lalo namang nagpatingkad sa mga tanong at batikos na dulot ng napakaraming kontrobersiya.
Sa gitna ng sunod-sunod na pag-alis ng mga hurado, nagsimula ring umugong ang bagong isyu na tumutukoy naman kay Filipino singer at Selection Committee member na si Louie Heredia. Pinupukol siya ngayon ng matinding akusasyon mula sa ilang Latino pageant fans, na nagsasabing maaaring magpakita siya ng “favoritism” dahil kaibigan umano niya ang Philippine representative na si Ahtisa Manalo.
Viral ngayon sa social media ang mga screenshots at komentong nag-uugnay sa pagiging magkaibigan nina Louie at Ahtisa. Ang ilan pa, ginagamit ang kanilang lumang litrato bilang umano’y “patunay” ng bias na posibleng makaapekto sa kalalabasan ng kompetisyon. Sa kabila ng maiinit na batikos, nananatiling tahimik si Louie sa mga bagong paratang.
Gayunpaman, bago pa man pumutok ang isyu, sa isang panayam noong Nobyembre 15—bago ang closed-door interviews—nilinaw ni Louie na malinaw ang tagubilin ng MUO na maging patas. Ayon sa kanya, hindi dapat magkaroon ng anumang bias at dapat igalang ang tiwala na ibinigay sa kaniya bilang bahagi ng Selection Committee. Inamin niyang kaibigan niya si Ahtisa, ngunit hindi umano sila nag-usap simula pa noong birthday dinner nito ilang buwan na ang nakalipas.
Habang papalapit ang Miss Universe 2025 coronation night, mas lalong umiinit ang mga mata ng pageant community sa mga nangyayari sa loob ng kompetisyon. Mula sa mga walkout, paratang ng pandaraya, resignations, hanggang sa favoritism allegations, hindi maitatangging isa ito sa pinaka-madramang edisyon ng Miss Universe sa kasaysayan.
Sa dami ng kaganapan, marami ang nagtatanong: magiging patas ba ang final judging? At sa kabila ng lahat, sino pa kaya ang mananaig sa gitna ng kontrobersiya? Ang sagot—malalaman sa nalalapit na finals.
Larawan mula sa Miss Universe
