Diskurso PH
Translate the website into your language:

Walkout Queen to World Queen: Fatima Bosch kinoronahan sa Miss Universe 2025

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-11-21 22:19:26 Walkout Queen to World Queen: Fatima Bosch kinoronahan sa Miss Universe 2025

Nobyembre 21, 2025 – Opisyal na ngang tinanghal si Fatima Bosch ng Mexico bilang bagong Miss Universe 2025, matapos niyang pangibabawan ang mahigit isang daang kandidata mula sa iba’t ibang bansa. Ginanap ang koronasyon ngayong November 21 sa Thailand, at kaagad na nagningning ang pangalan ni Bosch sa gitna ng matinding kompetisyon at kontrobersiyang bumalot sa pageant ngayong taon.

Kasama sa Top 5 ang pambato ng Pilipinas na si Ahtisa Manalo, na pumwesto bilang 3rd runner-up. Umangat bilang first runner-up si Praveenar Singh ng Thailand, habang second runner-up naman si Stephany Abasali ng Venezuela. Kumumpleto sa Top 5 si Olivia Yacé ng Côte d’Ivoire. Ang tagumpay ni Bosch ay sumunod sa reigning queen na si Victoria Theilvig ng Denmark.

Hindi naging tahimik ang Miss Universe 2025 dahil sa serye ng drama, bangayan, at walkouts na nagdulot ng matinding tutok mula sa global pageant community. Isa sa pinakamainit ay nang mag-walkout si Bosch mula sa isang pre-pageant meeting matapos siyang komprontahin at pagalitan ng Miss Universe Thailand director na si Nawat Itsaragrisil. Nag-viral ang eksena dahil tinawag umano siyang “dumb” at pinaalis pa sa kwarto, dahilan upang umalma rin ang ibang kandidata.

Matapos ang insidente, itinuring si Bosch bilang simbolo ng women empowerment, lalo na sa Mexico kung saan tinawag pa siya ni President Claudia Sheinbaum na “example of how women should speak out.” Humingi rin ng paumanhin si Nawat pero hindi na nakapagpigil ang publiko na kumampi kay Bosch, lalo na at nagmistulang David vs. Goliath ang dating ng sitwasyon.

Hindi rin nakaligtas ang pageant sa issue ng umano’y rigged voting. Nag-resign ang judge na si Omar Harfouch matapos nitong ibunyag na may naganap umano na “secret and illegitimate vote” na hindi raw kasama ang official jury. Mariin itong itinanggi ng Miss Universe Organization. Nagbitiw din bilang judge si former football star Claude Makelele dahil daw sa “personal reasons.”

Samantala, naging laman ng balita ang ilang kandidata dahil sa aksidente sa stage. Nadapa si Miss Britain sa costume round habang nakasuot ng Eliza Doolittle-inspired na outfit. Mas seryoso naman ang sinapit ni Miss Jamaica Gabrielle Henry nang mahulog siya sa stage during the evening gown showcase. Agad siyang dinala sa ospital ngunit kalauna’y kinumpirmang ligtas at stable ang kondisyon.

Para naman sa mga Pilipino, panalo pa rin ang journey ni Ahtisa Manalo, na mula pa noong 2018 ay hinahangad nang marating ang Miss Universe stage. Nagsimula siya sa Binibining Pilipinas, nagtapos bilang Miss International first runner-up, bumalik para sa Miss Universe Philippines, at sa wakas ay nakuha ang MUPh crown noong 2025. Sa Thailand, hindi siya nagpahuli—pumalo ang kanyang pasarela, lakas ng aura, at matalinong sagot.

Sa Q&A portion, ipinakita ni Ahtisa ang kanyang puso para sa kabataan, lalo na ang mga mula sa low-income backgrounds. Mensahe niya: gagamitin niya ang platform para magbukas ng oportunidad at ilapit ang edukasyon sa mga nangangailangan.

Filipino pride ang sumalubong sa Miss Universe stage, dahil hindi lang si Ahtisa ang kumatawan sa bansa. Bench ang opisyal na gumawa ng swimsuits ng lahat ng candidates, Jewelmer ang lumikha ng bagong crown, Philippine Airlines ang naging airline sponsor, at Pinoy favorites na sina R’Bonney Gabriel at Dayanara Torres ang nagsilbi sa backstage hosting.

Sa huli, naging makulay, maingay, at puno ng intriga ang Miss Universe 2025, pero nanatiling sentro ang kuwento ni Fatima Bosch—isang kandidatang umangat mula sa kontrobersiya, lumaban para sa sarili, at nagwagi ng korona sa kabila ng lahat. At para sa Pilipinas, si Ahtisa Manalo ang tunay na reyna ng puso ng sambayanang Pinoy.