Diskurso PH
Translate the website into your language:

Miguel Tanfelix, bumigay sa pagod at usok: Hinimatay sa matinding shooting ng KMJS Gabi ng Lagim the Movie

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-11-25 02:44:34 Miguel Tanfelix, bumigay sa pagod at usok: Hinimatay sa matinding shooting ng KMJS Gabi ng Lagim the Movie

Nobyembre 25, 2025 – Malapit nang umarangkada sa mga sinehan ang KMJS Gabi ng Lagim the Movie, at habang sabik na sabik ang viewers sa horrors at visuals ng pelikula, ibang klaseng katakot-takot na eksena ang naranasan mismo ng bida nitong si Miguel Tanfelix—hindi sa pelikula, kundi sa totoong buhay.

Habang kinukunan ang isang critical horror sequence sa basement ng isang barko sa Manila Bay, bigla umanong hinimatay ang Kapuso actor dahil sa hirap ng paghinga at sobrang kapal ng artificial smoke. Ayon kay Miguel, halos walang air flow sa lugar at pinuno pa nila ng usok ang buong set para sa claustrophobic vibe ng eksena.

Sa intense scene, kailangan niyang magsisisigaw, mag-hysterical, at nakahiga pa sa sahig habang tadtad ng usok ang paligid. “Wala masyadong air flow sa set namin and then ‘yung set namin pinuno namin ng usok. Eh kailangan hysterical ako, so sigaw ako nang sigaw. Nalanghap ko lahat,” kwento niya sa 24 Oras.

Habang umaarte, naramdaman ni Miguel ang biglaang pagkahilo at unti-unting panlalabo ng paningin—signs na mawawalan siya ng malay. Mabuti na lamang at nagawa niyang sabihin sa direktor ang huling katagang, “Direk, hihimatayin yata ako,” bago tuluyang mawalan ng consciousness.

Ilang segundo matapos siyang bumigay, agad na rumonda ang mga medic at staff sa paligid ng aktor. Pagmulat niya, naroon na sila, bitbit ang tubig at first aid para ma-stabilize siya. “Pagkamalay ko, nakapaligid na sila. Nagpapainom sila ng tubig. Para sa akin, nakakatakot talaga ‘yon,” dagdag ni Miguel.

Sa halos dalawampung taon niya sa showbiz—mula child star hanggang leading man—ngayon lang daw niya naramdaman ang ganitong level ng takot. “First time na parang gumalaw ‘yung mundo, tapos ako, hindi ko alam kung ano ang nangyari,” ani Miguel, sabay aminadong naging wake-up call ito para sa kanyang kalusugan sa trabaho.

Sa kabila ng insidente, ipinangako ng production team na mas magiging maingat pa sila moving forward. Samantala, mas lalo namang naging curious ang fans sa eksenang halos ikinabuwal ng aktor—at siguradong mapapanood sa malaking screen sa paglabasng pelikula.