Queen Hera, binuking si Fhukerat: ‘National security issue, hindi outfit!’ — Blacklisted na sa Dubai
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-11-25 02:20:27
Nobyembre 25, 2025 – Bumiyaheng kontrobersyal na naman ang pangalan ni Fhukerat—aka Ker Garcia—matapos kumpirmahin na blacklisted na raw siya sa Dubai. At kung akala ng netizens na tapos na ang gulo matapos sabihin ni Fhukerat na “identity mismatch” lang ang dahilan ng kanyang denied entry… teka lang, dahil may mas malaking pasabog si Queen Hera!
Ayon kay Queen Hera, CEO at beauty brand personality na kasama ni Fhukerat sa biyahe, hindi raw talaga cross-dressing ang isyu—bagkus, may mas “malalim” na dahilan. Pero bago pa lumalim ang usapan, inamin ni Hera na masama ang loob niya kay Fhukerat dahil imbes daw na ipaliwanag ang tunay na nangyari, inuuna pa raw nito ang pagre-react tungkol sa Miss Universe 2025.
Kwento ni Queen Hera, hindi pa man daw sila nakalalapit sa Immigration Officer, hinarang na agad si Fhukerat sa pinakadulo pa lang ng mahabang pila sa Dubai Airport. “Bakit kaya? Bakit kaya?” ani Hera na kita raw ang panginginig habang nagkukuwento. Ilang beses na raw niyang pinaalalahanan si Fhukerat na “mag-behave” dahil sobrang ingay nito, at todo-yabang pa umano sa Pilipinas pa lang na isa siyang sikat na influencer.
Dagdag pa niya, iritado na raw siya sa eroplano pa lang dahil nagpabidyo umano si Fhukerat ng bongga. Pagdating pa raw sa airport ng Dubai, nagsisisigaw pa ito ng “Welcome to Dubai!” kahit ilang beses na raw niya itong pinapatahimik. Pero ang pinakamalaking sablay, ayon kay Hera, ay nang pumasok daw si Fhukerat sa female comfort room habang nasa loob sila ng tren papuntang immigration. Sa dami ng CCTV sa airport, posible raw na doon pa lang ay mamarkahan na si Fhukerat.
Kaya bago pa raw sila makarating sa counter, na-hold na agad ang socmed star. Nang makalabas na si Hera at kinuha ang kanilang luggage, nalaman niya ang mas shocking na dahilan: may kinalaman daw ang insidente sa national security. Hindi raw outfit, hindi gender expression—mas mabigat pa raw doon.
At ang pinaka-matinding linya mula sa airport officer? “Do not ever come back to Dubai again.” Ibig sabihin, blacklisted na raw talaga si Fhukerat. Hindi man pinayagang bumalik si Hera sa loob para tulungan ang kasama, nanginginig pa raw siya habang iniisip ang nangyari.
Napilitan daw magsalita si Queen Hera dahil hindi niya nagustuhan na inuuna pa ni Fhukerat ang content kaysa sa pagsisiwalat ng buong katotohanan tungkol sa kontrobersya. Para kay Hera, oras na para mag-take ng accountability ang influencer.
