’Weak Passport?’ Raul Rocha, binatikos sa paliwanag kung bakit hindi nagwagi si Miss Cote d’Ivoire sa Miss Universe 2025
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-11-27 00:19:33
Nobyembre 27, 2025 – Sa bagong episode ng Miss Universe chika, usap-usapan ngayon ang kumalat na video ni Miss Universe Organization (MUO) President Raul Rocha—kung saan tila “passport power” daw ang idinawit niya bilang dahilan kung bakit hindi nasungkit ni Miss Cote d’Ivoire Olivia Yacé ang korona ngayong 2025.
Sa video na ibinahagi ng The Philippine Pageantry noong Nobyembre 25, malinaw na sinabi ni Rocha na mahigit 175 bansa ang humihingi ng visa sa mga mamamayan ng Cote d’Ivoire. Ayon sa kanya, malaking hadlang ito sa tungkuling dapat gampanan ng isang reigning Miss Universe.
“Everyone has a cellphone… look for how many countries Côte d'Ivoire needs a visa to enter. 175!” wika ni Rocha, na para bang ipinapahiwatig na malaking limitasyon ito sa pang-international na responsibilidad ng titlist ng Universe.
Dagdag pa niya, kung nagwagi raw si Olivia, baka maging “Miss Universe who spends a whole year in an apartment” lamang siya dahil hindi ito madaling makapaglakbay. Aniya, ang korona raw ay dapat mapasakamay ng kandidatang may kapasidad na bumiyahe at makasalamuha ang iba’t ibang tao sa buong mundo.
Pero hindi pinalagpas ng kapwa beauty queen ni Olivia na si Miss Guadeloupe Ophely Mezino ang pahayag na ito—at derechahang bumanat sa Instagram.
Sa kanyang IG Story, tila galit na giit ni Ophely: “Are you trying to find a racist excuse? My girl has an American passport! What are you talking about?” Bakas ang inis sa kanyang tono, lalo’t ayon sa kanya, malinaw namang kasama sa requirements ng MUO ang pagsusumite ng visa details—na tila hindi raw binasa ng presidente.
Hindi pa roon natapos ang litanya ni Ophely. Ayon pa sa kanya, “My heart is burning, I don't like injustice!” Isang matapang na patutsada na agad naging usap-usapan sa pageant community.
Matatandaang nagbitiw si Olivia Yacé bilang Miss Universe Africa & Oceania matapos ang kompetisyon—isang hakbang na tinawag niyang pagpapakatotoo sa kanyang prinsipyo. Sa isang mahabang post, idiniin niyang mananatili siyang tapat sa kanyang mga pinanghahawakan: respeto, dignidad, excellence, at equal opportunity.
Sa ngayon, lalong umiinit ang diskusyon online. Ang tanong ng netizens:
Valid reason ba talaga ang “passport strength”—o bagong kontrobersya na naman sa MUO?
Isang bagay ang malinaw: habang umiinit ang isyu, mas lalo namang sumisigla ang pageant fandom sa kanilang mga diskusyon, memes, at opinyon. At mukhang hindi matatapos ang drama anytime soon.
