Diskurso PH
Translate the website into your language:

Harvey Bautista, mas pinipili na ang malalim at seryosong proyekto matapos masungkit ang unang acting award

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-12-02 15:48:34 Harvey Bautista, mas pinipili na ang malalim at seryosong proyekto matapos masungkit ang unang acting award

Disyembre 2, 2025 – Mas tumitibay ang direksiyon ng karera ni Harvey Bautista matapos niyang makuha ang kanyang kauna-unahang acting award sa pelikula. Pormal na kinilala ang Kapamilya actor bilang Best Supporting Actor para sa kanyang pagganap sa Pushcart Tales sa 41st Star Awards for Movies noong Nobyembre 30, 2025 — isang tagumpay na itinuturing niyang malaking milestone sa kanyang paglipat mula child star patungo sa isang mas matured at seryosong aktor.

Ayon kay Harvey, nagbigay sa kanya ng matinding inspirasyon ang pagkilalang ito upang lalo pang ituon ang sarili sa mga proyektong may tema, mensahe, at malalim na pagtalakay sa buhay ng ordinaryong Pilipino. Inamin niyang mas nagiging malinaw sa kanya ngayon ang uri ng mga papel at proyektong nais niyang tahakin sa mga susunod na taon.

Bagama’t hindi niya isinasantabi ang posibilidad ng paggawa ng rom-com o light drama, sinabi ng aktor na mas naaakit siya sa mga kuwento na may mas mabigat na tono at mas makahulugang nilalaman. Para kay Harvey, mas fulfilling ang gumanap sa mga karakter na may pinagdadaanan, may paninindigan, at kumakatawan sa mga realidad na kinakaharap ng lipunan.

Matatandaang naging bahagi si Harvey ng teleseryeng Roja, gayundin ng indie film na Blue Room na unang nagpakita ng kanyang potensyal sa mas seryosong acting. Nakilala rin siya sa thriller series na High Street noong 2024, kung saan una siyang pumalaot sa mas madilim at komplikadong karakter.

Isa sa pinakamahirap ngunit pinakapersonal na proyekto niya ang war-themed limited series na Drug War: A Conspiracy of Silence, kasama sina Ian Veneracion at Jane Oineza. Dito, kinailangan ni Harvey na magbawas ng timbang at maghanda nang husto para sa emotionally heavy scenes, dahil tumatalakay ang serye sa marahas at kontrobersyal na realidad ng drug war. Ayon sa aktor, isa ito sa mga proyektong nagmulat sa kanya sa bigat at responsibilidad ng pagiging storyteller.

Hindi rin itinago ni Harvey na isa sa mga aktor na matagal na niyang tinitingala ay si Elijah Canlas.Ayon sa kanya, iniidolo niya ang tapang ni Elijah sa kanyang mga pinipiling proyekto at adbokasiya, na aniya ay nagbibigay sa kanya ng inspirasyon para maging mas matapang din sa pagtanggap ng challenging roles.

Sa ngayon, patuloy ang pagdating ng mga bagong alok kay Harvey, ngunit naninindigan siyang mananatili sa landas ng paggawa ng mga proyektong may lalim at kahulugan. Aniya, mas mahalaga sa kanya na may makuhang aral ang mga manonood at may maipakitang pagbabago ang kanyang mga karakter, kaysa sa simpleng paghabol sa kasikatan.

Sa direksiyong kanyang tinatahak, inaasahang magiging isa si Harvey Bautista sa mga artistang magbibigay ng bagong boses at mukha sa masayusay at socially grounded storytelling sa industriya ng showbiz.