Diskurso PH
Translate the website into your language:

Kim Chiu naghain ng kaso laban sa kapatid na si Lakambini dahil sa umano’y nawawalang pondo sa negosyo

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-12-02 14:46:58 Kim Chiu naghain ng kaso laban sa kapatid na si Lakambini dahil sa umano’y nawawalang pondo sa negosyo

Disyembre 2, 2025 – Naghain ng criminal complaint for qualified theft si TV host-actress Kim Chiu laban sa kanyang kapatid na si Lakambini Chiu matapos umano niyang madiskubre ang seryosong financial discrepancies sa isa sa kanilang pinagsasamahang negosyo.

Personal na nagtungo si Kim, kasama ang kanyang mga abogado na sina Atty. Xylene Dolor at Atty. Archernar Gregana, sa Office of the Assistant City Prosecutor sa Quezon City upang isumite ang reklamo, pati na ang kanyang sworn statement at lahat ng kaukulang dokumento at ebidensiya.

Ayon kay Atty. Dolor, ang reklamong inihain ay sumasaklaw sa fiscal year 2025.

“Nag-file si Kim ng criminal case against Lakambini Chiu… qualified theft. That’s all we can share for now,” pahayag ng abogado.

Hindi pa maaaring pangalanan ng legal team ang partikular na negosyo, ngunit ilang buwan nang pinag-uusapan ng fans at netizens na ito ay kaugnay ng bag business na matagal nang inuugnay sa magkapatid.

Kinumpirma rin ni Dolor na bahagi ng pamunuan ng negosyo si Lakambini. “Generally, I can say that she is part of the management of the business,” dagdag niya.

Maraming beses na sinubukang ayusin. Inilahad din ng abogado na nagkaroon ng ilang pagtatangka para ayusin ang problema sa loob ng pamilya bago umabot sa piskalya.

“She reached out and the lawyers reached out also… it has been a very difficult decision for her to proceed with this step,” paliwanag ni Dolor, na nagsabing dumalo siya sa ilang meetings hinggil sa usapin.

Kasama rin ni Kim ang kapatid niyang si Twinkle at ang asawa nito bilang suporta.

Off camera, dalawang salita lang ang naibitiw ni Kim nang tanungin kung paano niya kinakaya ang sitwasyon:

“Sobrang bigat.”

Sa opisyal na pahayag na inilabas niya nitong Lunes, sinabi ni Kim na may “substantial amounts” ng pondo mula sa assets ng kanyang negosyo ang nawawala. Inamin niyang napakahirap para sa kanya na pumasok sa legal na laban laban mismo sa kapamilya, ngunit kailangan niyang panindigan ang transparency, responsibilidad, at proteksyon para sa kanyang kumpanya at mga empleyado.

“This is a private family matter that has now become a legal process. I am choosing transparency, responsibility, and accountability,” ayon pa sa aktres.

Humihiling ng privacy. Sa bandang huli, humingi si Kim ng pang-unawa at respeto habang naglalakbay ang kanilang pamilya sa isang masalimuot at masakit na yugto. Umaasa siya na sa pamamagitan ng tamang legal na proseso ay mananaig ang “clarity and fairness.”

Sa ngayon, wala pang pahayag ang kampo niLakambini Chiu ukol sa reklamo.

Larawan: MJ Felipe, ABS-CBN News