Ivana Alawi nagsalita na sa isyu ng lalaking nagreklamo matapos maisama sa kanyang 'Buntis Prank' vlog
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-12-08 21:48:23
Disyembre 8, 2025 – Inilabas na ng aktres at content creator na si Ivana Alawi ang kanyang panig kaugnay sa isang lalaking nag-post online at nagsabing dapat umano itong i-takedown ang bahagi ng kanyang viral “Buntis Prank” vlog dahil nakararanas daw siya ng pambabatikos mula sa mga nakakakilala sa kanya.
Sa isang mahabang paliwanag, nilinaw ni Ivana na mahabang panahon na siyang gumagawa ng street pranks at palagi silang humihingi ng pahintulot bago isama nang malinaw ang mukha ng kahit sinong makakasama sa video. Aniya, kaya madalas naka-blur ang ilang tao sa mga prank videos niya ay dahil wala silang consent — at mahigpit nitong sinusunod ang ganitong patakaran.
Pero sa isyu ngayon, mariing sinabi ni Ivana na kumpleto sila ng raw footage na nagpapatunay na pumayag ang naturang lalaki na lumabas sa vlog. Ipinakita pa raw nila ito sa kanya, at doon ay aminado umano ang lalaki na nakalimutan lang niya na nagbigay siya ng pahintulot.
Ayon sa aktres, ang ugat ng reklamo niya ay inaasar daw siya ng mga kakilala na sana’y siya ang nakatanggap ng ₱100,000 na ibinigay ni Ivana kay Kuya Hesus—ang lalaking totoong nakakuha ng tulong sa vlog. Dahil dito, nakapag-post daw ang lalaki ng reklamo na nagdulot ng kalituhan at bashers.
Ngunit mariing nilinaw ni Ivana na para talaga kay Kuya Hesus ang tulong, dahil sa kabutihang ipinakita nito sa kanila noong araw ng prank shoot.
“Marami po kaming raw footage kung saan makikitang pumayag siya. Maayos namin itong ipinaliwanag sa kanya. Humingi rin siya ng sorry dahil napressure siya sa mga nag-aasar sa kanya,” pahayag ni Ivana.
Nagpaalala rin ang aktres sa mga netizens na huwag basta-basta maniniwala sa mga nakikita online nang hindi nakikita ang buong konteksto.
“Paalala na din ito sa mga taong mahilig maniwala agad sa kung ano ang nakita sa social media. Tandaan po na laging may dalawang side ang kwento,” aniya.
Sa ngayon, nananatiling positibo at mahinahon si Ivana sa kabila ng kontrobersiya, habang ipinagpapatuloy ang pagsusulong ng kindness content na kilala sa kanya sa vlog community.
