Miss Jamaica nagkaroon ng intracranial hemorrhage matapos mahulog sa Miss Universe stage
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-12-09 23:38:57
December 09, 2025 – Naglabas ng opisyal na update ang Miss Universe Organization (MUO) kaugnay sa kalagayan ni Miss Jamaica 2025 Gabrielle Henry matapos itong mahulog sa entablado sa ginanap na preliminary competition ng Miss Universe.
Sa isang joint statement na inilabas ng MUO at ng pamilya ni Henry nitong Lunes, Disyembre 8, kinumpirma nilang nagtamo ang kandidata ng intracranial hemorrhage, pati na rin ng ilang fracture, facial laceration, at iba pang malalalang pinsala bunga ng aksidente.
Ayon sa pahayag, mabilis na naasikaso si Henry ng medical team ng Miss Universe at agad na dinala sa ospital para sa masusing pagsusuri at gamutan.
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang pamilya ng beauty queen sa MUO dahil sa agarang aksyon at suporta na kanilang natanggap.
Ayon sa pamilya, “The Henry family is deeply grateful to the Miss Universe Organization for their unwavering compassion, presence, and love shown.” Dagdag pa nila, higit pa umano sa tungkulin ang ipinakita ng MUO, na nagpamalas ng tunay na malasakit at pag-aaruga sa kanilang anak.
Inaasahang iuuwi si Gabrielle Henry sa Jamaica sa mga susunod na araw, kasama ang isang medical escort team, upang ipagpatuloy ang kanyang paggamot sa isang ospital sa kanilang bansa.
Sa ngayon ay patuloy na inoobserbahan ang kondisyon ni Henry habang nagpapatuloy ang kanyang recovery.
