Diskurso PH
Translate the website into your language:

Jinkee nanahimik pero kumpirmado: Manny Pacquiao may relo at apartment na para kay Eman bago pa ang pandemic

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-12-09 23:51:56 Jinkee nanahimik pero kumpirmado: Manny Pacquiao may relo at apartment na para kay Eman bago pa ang pandemic

Disyembre 9, 2025 – Lumutang ang bagong impormasyon kaugnay sa usaping kumalat online tungkol sa umano’y kakulangan ng suporta ni Manny Pacquiao sa kanyang anak na si Eman Bacosa Pacquiao, matapos mag-viral ang mga komento ng netizens hinggil sa relong ibinigay nina Dr. Vicki Belo at Dr. Hayden Kho sa binata.

Ayon sa kaibigan ng pamilya Pacquiao na si Bernard Cloma, matagal nang nagbigay si Manny ng isang mamahaling Patek Philippe watch para kay Eman. Ibinahagi pa ni Bernard ang larawan ng naturang relo sa kanyang Instagram story bilang patunay.

Dagdag pa ni Bernard, mismong si Jinkee Pacquiao ang nakarinig ng mga komento online kung saan may ilang netizens ang nagsasabing tila hindi raw kayang regaluhan ni Manny ng relo ang kanyang anak. Agad daw itong pinabulaanan ni Jinkee, dahil noon pa man ay naibigay na ang naturang luxury timepiece.

Bukod sa relo, napag-alaman ding may apartment na ibinigay si Manny kay Eman sa General Santos City, na ginagamit umano ng binata kapag siya ay nagte-training. Ipinagkaloob daw ito bago pa man mag-pandemic, at may regular weekly allowance din umano si Eman mula sa ama.

Subalit nang hingan ng pahayag ang binata sa isang event, hindi direktang kinumpirma ni Eman ang tungkol sa apartment. Ngunit sinabi niyang wala siyang sama ng loob sa ama at nananatili silang maayos.

 “Wala naman ako masyadong iniisip tungkol sa bagay na ‘yun, kasi lagi naman may nasasabi ang ibang tao,” pahayag ni Eman.

“Okay naman po kami ng dad ko… kahit magpaliwanag ka pa, may mga taong may sariling mundo.”

Samantala, nang makapanayam si Jinkee sa telepono sa pamamagitan ni Bernard, tumanggi itong magbigay ng malalim na komento sa isyu at nanatiling maingat ang mga sagot.

Ayon kay Jinkee, wala siyang problema kung maging close ang mga anak nila ni Manny sa anak nitong si Eman, at sinabing tama naman ang mga pahayag ng binata.

 “Okay naman sa akin. Tama naman ang mga sinasabi ni Eman,” maikling tugon ni Jinkee.

Tinanong din si Jinkee tungkol sa ina ni Eman, na si Joanna Bacosa, ngunit tumanggi siyang magdetalye. Ani Jinkee, wala siyang anumang negatibong sinabi tungkol kay Bacosa at mas mabuting huwag na raw niyang palawakin ang isyu.

Sa isa pang bahagi ng panayam, kinumpirma ni Jinkee na ayaw niya talagang mag-boxing ang kanyang mga anak, kabilang si Jimuel, ngunit wala umano siyang magagawa dahil ito ang kagustuhan ng mga bata.

“Susuporta lang ako, pero minsan parang hindi ko na kaya. Kahit amateur fights niya, hindi ko na masyado kayang panoorin,” dagdag ni Jinkee.