Kpop singer Moon Taeil, tuluyan nang makukulong: 3 at kalahating taon taon na sentensiya pinagtibay ng Korte Suprema
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-12-28 22:17:20
Tuluyan nang isinara ang isa sa pinakamaselang kasong yumanig sa K-pop world matapos ibinasura ng Korte Suprema ng South Korea ang huling apela ng dating NCT member na si Moon Taeil. Dahil dito, pinagtibay ang hatol na tatlo at kalahating (3½) taong pagkakakulong laban sa dating idol na napatunayang guilty sa kasong aggravated rape.
Noong Disyembre 26, kinatigan ng Supreme Court of South Korea ang desisyon ng mababang hukuman laban kay Taeil at sa dalawa pa niyang kasabwat na kinilalang sina Lee at Hong. Sa pasyang ito, pormal nang natuldukan ang mahabang proseso ng paglilitis na mahigpit na tinutukan ng lokal at internasyonal na publiko.
Ayon sa rekord ng korte, naganap ang krimen noong Hunyo 2024 matapos umanong makilala ng tatlong akusado ang isang Chinese tourist sa isang club sa Itaewon, Seoul. Dahil sa labis na kalasingan, dinala umano ang biktima sa isang tirahan sa Bangbae, Seocho District, kung saan naganap ang sexual assault. Kinumpirma ng mga imbestigador na hindi na kayang manlaban ng biktima sa oras ng insidente.
Lalong pinatibay ang kaso nang makuha ng mga awtoridad ang DNA evidence mula sa tatlong akusado, na ayon sa prosekusyon ay patunay na planado at sabayang isinagawa ang krimen—isang mahalagang salik sa pag-uuri nito bilang aggravated rape sa ilalim ng Act on Special Cases Concerning the Punishment of Sexual Crimes.
Bagama’t pitong taon ang unang hiniling ng prosekusyon, nagpasya ang Seoul Central District Court noong Hulyo 10 na hatulan ang tatlo ng 3½ taong pagkabilanggo. Inatasan din ang agarang pagkakakulong ni Taeil—isang malinaw na senyales ng bigat ng paglabag. Tinangka pa ng kampo ni Taeil na pababain ang sentensiya sa apela, subalit ibinasura ito ng Seoul High Court noong Oktubre, at ngayo’y tuluyan nang pinagtibay ng Korte Suprema.
Bukod sa pagkakakulong, inatasan din ang mga akusado na dumalo sa 40-oras na sexual violence treatment program at pinagbawalan silang magtrabaho sa mga institusyong may kinalaman sa mga bata, kabataan, at persons with disabilities sa loob ng limang taon.
Bago pa man tuluyang mahatulan, inanunsyo na noong Agosto 2024 ang pag-alis ni Taeil sa NCT. Kinumpirma ng SM Entertainment na tuluyan na siyang tinanggal sa grupo dahil sa bigat ng kasong kinakaharap.
“Kinilala namin ang bigat ng akusasyon at napagpasyahang hindi na maaaring ipagpatuloy ni Taeil ang kanyang mga aktibidad sa grupo,” pahayag ng ahensya noon.
Ang pinal na desisyon ng Korte Suprema ay nagsisilbing malinaw na paalala na walang sinuman—kahit pa sikat o idolo—ang ligtas sa pananagutan kapag may paglabag sa batas. Sa gitna ng kinang ng showbiz at K-pop, nanaig pa rin ang hustisya para sa biktima.
