Mga imported na gulay sa palengke, posibleng smuggled - DA
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-01-24 09:38:03
Sa isinagawang market inspection noong Biyernes, inihayag ni Tiu Laurel na may mga gulay na binebenta nang lantaran kahit walang import permit.
Kabilang dito ang luosijiao o tiger chili, onion stick, Chinese yam, at ilang kabute na nasa pakete na may mga Chinese characters.
"Meron pang sili na hindi ko pa nakita sa buong buhay ko. Ngayon ko pa lang nakita. Wala ako maalala na nag issue ang [Bureau of Plant Industry] ng ganon. So that leads me to conclude na those are smuggled goods," aniya.
Samantala, inamin ng ilang retailers na hindi nila alam ang orihinal na pinagmulan ng mga gulay na kanilang ibinebenta.
“Ang alam lang namin doon lang namin kinuha sa Divisoria, Ma’am, tapos binebenta lang namin dito,” wika ng isang tindera.
"Sa Divisoria saka sa Baguio, mga four years na. Itong mga imported na gulay, sa Divisoria po," saad pa ng isang tindera na is Lovamae Dagandan.
Inihayag ng DA na makikipag-ugnayan ito sa Bureau of Customs upang matukoy ang pinagmulan ng mga gulay na walang import permit.
Hinikayat din ng DA ang mga retailers na makipagtulungan upang masigurong ang mga produktong ibinebenta ay sumusunod sa mga regulasyon at ligtas para sa mga mamimili.
“I-coordinate din namin sa DA at DTI tapos kung ano mga sanction na pwede namin ibigay sa kanila isa-sanction po namin sila,” pahayag ni Ted Velasco, Pasay Markets master.
Sa kabila ng pagtatapos ng holiday season, nanatiling mataas ang presyo ng gulay sa mga pamilihan. Ang presyo ng kamatis ay umabot ng P350 kada kilo, mas mataas ng P80 kumpara sa P270 kada kilo noong umpisa ng taon.
Samantala, ang presyo ng siling labuyo at bell pepper ay parehong umabot sa P900 kada kilo. Ang broccoli ay umabot sa P370 kada kilo, cauliflower sa P320, carrots sa P280, Baguio beans sa P200, patatas sa P220, repolyo sa P150, at pechay Baguio sa P120 kada kilo.
Ang ampalaya, sitaw, at talong ay umaabot ng P160 kada kilo, pechay Tagalog sa P120 kada kilo, at kalabasa sa P70 kada kilo.
Samantala, ang lokal na pulang sibuyas ay umaabot ng P170 kada kilo, imported na puting sibuyas sa P180 kada kilo, imported na bawang sa P210 kada kilo, at luya sa P260 kada kilo.
Sinisi ng DA ang sunod-sunod na bagyong tumama sa bansa bilang pangunahing dahilan ng pagtaas ng presyo ng mga gulay.
Larawan mula sa Philippine News Agency.
