Bato Dela Rosa: May tunay na Piattos clan sa Davao City
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-01-31 17:02:43
DAVAO CITY – Sa isang kamakailang pahayag, iginiit ni Senador Ronald "Bato" Dela Rosa na mayroong tunay na Piattos clan sa Davao City. Ayon sa senador, ang pamilyang Piattos ay matagal nang naninirahan sa lungsod at kilala sa kanilang yaman at malalaking lupain.
"Totoo po, totoo. Punta ka, halika. Halika, dito sa Davao. Galing kita sa bahay ng mga Piattos. Ang mayayaman yung Piattos dito. Maraming bahay, may mga tao ng Piattos, mga may-ari ng malalaking lupa," ani Dela Rosa. "Punta ka dito sa likod ng, yung mga lupa dito sa likod ng City High School. Mga Piattos may-ari dito. Maraming Piattos dito. Hindi ito Piattos na yung snacks, ha. Yung kinakain tao talaga, mga tao na Piattos."
Dagdag pa ng senador, mayroon pang Piattos barangay sa Maybunaoan area. "Mayroon pa nga Piattos barangay doon sa Maybunaoan area. Punta ka doon sa may Piattos na, barangay ba, sityo o rabilis ba ang tawag niyan. Basta Piattos. Kasi mga lumang tao yan ng Davao, yung mga Piattos. Kaya sila yung naunang nagkakaroon ng malalaking lupa dito," dagdag ni Dela Rosa.
Samantala, naging kontrobersyal ang pangalan ni Mary Grace Piattos matapos itong lumabas sa mga acknowledgment receipts para sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) noong panahon ni Vice President Sara Duterte
Ang pangalan ni Mary Grace Piattos ay naging tampulan ng mga biro at memes sa social media, ngunit nananatiling palaisipan kung sino nga ba siya.
Sa kabila ng mga haka-haka, kinumpirma ng Philippine Statistics Authority (PSA) na walang rekord ng isang Mary Grace Piattos sa kanilang database. Ayon sa PSA, walang birth, marriage, o death record na natagpuan para sa pangalan na ito
Ilang mambabatas rin ang nag-alok ng gantimpalang P1 milyon para sa sinumang makakatulong matukoy at magbigay ng impormasyon tungkol kay "Mary Grace Piattos," dahil pinaniniwalaan nilang peke ang resibo at ang pangalan ng pumirma ay isang kathang-isip na entidad, na posibleng ipinanganak mula sa isang pangalan ng restawran at meryenda.
Sinabi ng PSA na maaari nilang magsagawa ng karagdagang paghahanap para sa isang dokumento mula sa civil registry kung makakatanggap sila ng karagdagang impormasyon tulad ng pangalan ng mga magulang ni Mary Grace Piattos.
(Larawan mula sa Inquirer.net)
