Diskurso PH
Translate the website into your language:

Influencer Mika Salamanca at kanyang business partner, pina-Tulfo dahil sa vape scam

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-02-03 13:22:02 Influencer Mika Salamanca at kanyang business partner, pina-Tulfo dahil sa vape scam

Napasugod sa Raffy Tulfo in Action (RTIA) ang ilang vape shop owners noong Enero 31, 2025, upang ireklamo ang influencer at Chief Operating Officer ng Flare vape brand na si Mika Salamanca at si Paul Jefferson Vivas, presidente ng Apex Pacific Corp., ang importer ng nasabing brand.

Ayon sa mga biktima, nahikayat sila na mag-pre order ng vape products kina Mika at Paul noong nakaraang taon dahil sa mga press release at engrandeng product launching events na isinagawa ng dalawa. Nagpakita rin umano ang dalawa ng mga dokumentong nagpapatunay na rehistrado sa Securities and Exchange Commission (SEC) ang Apex.

Iba't ibang halaga ang natangay mula sa mga biktima. Si Anthony Garcia ay naglabas ng ₱366,000, habang si Angelica Ambos naman ay nagbayad ng ₱106,000 bilang downpayment para sa kanilang orders na vape product shipments. Ngunit hanggang ngayon, wala pa rin silang natatanggap na produkto o refund, at hindi na rin nila mahagilap sina Mika at Paul. Hindi pa sila nagsasampa ng kaso laban sa dalawa dahil umaasa silang ibabalik ang kanilang mga pera.

Agad na tinawagan ni Sen. Idol Raffy Tulfo si Atty. Marcus Valdez ng Department of Trade and Industry (DTI). Sinabi ni Valdez na bagamat rehistrado sa SEC ang Apex, wala pa itong Philippine Standard (PS) License upang maibenta ang kanilang produkto sa merkado. Hindi rin sertipikado ng Food and Drugs Administration (FDA) ang naturang produkto dahil delikado ito sa kalusugan.

Kinuwestiyon ni Sen. Idol kung talaga bang ligtas ang lahat ng vape products na aprubado ng FDA dahil maaaring may nagaganap na sabwatan sa pagitan ng Bureau of Internal Revenue (BIR), Customs, DTI, at mismong FDA upang paboran lamang ang ilang brands na kung saan kasosyo ng owners o kikita ng malaking salapi ang ilang mga kawani nito.

Magbibigay si Sen. Tulfo ng isang privilege speech upang makapagsagawa ng Senate hearing sa lalong madaling panahon para imbestigahan ang isyung ito at mapanagot ang mga incorporators ng Apex Pacific Corp. at mga kawani ng mga ahensyang nagsasabwatan upang paboran ang iilan lamang na vape distributors. Inobliga rin ni Idol si Atty. Valdez na magsumite ng listahan ng mga vape brands/companies na naaprubahan at nadecline nila, na agad namang sinang-ayunan ni Valdez.

(Larawan mula sa ABS-CBN)