‘Hindi sapat ang kita, paano na ang pag-aaral ng mga anak? — magsasaka, naglabas ng hinaing sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-07 00:50:52.jpg)
MANILA — Sa pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food nitong Lunes, Oktubre 6, naging emosyonal ang pahayag ng magsasakang si Danilo Bolos habang ibinabahagi ang tunay na kalagayan ng mga magsasaka sa gitna ng patuloy na epekto ng Rice Tariffication Law (Republic Act 11203).
Ayon kay Bolos, bagama’t nakakakain pa rin sila ng tatlong beses sa isang araw, hindi sapat ang kanilang kinikita upang tustusan ang mga pangunahing pangangailangan, lalo na ang edukasyon ng kanilang mga anak.
“Bagama’t kumakain po kami ng tatlong beses sa isang araw, e hindi naman po sapat 'yung aming kinikita. Papaano na po iyong pag-aaral ng aming mga anak?” ani Bolos.
“Wala po talaga kaming ibang alam kundi itong pagtatanim ng palay o paggawa ng ating mga pagkain,” dagdag pa niya.
Umaasa si Bolos at iba pang magsasaka na tuluyan nang maibasura ang Rice Tariffication Law, na nagpapahintulot sa walang limitasyong pagpasok ng imported rice sa bansa.
Ang naturang batas ay pansamantalang sinuspinde ng gobyerno noong Setyembre 1, matapos ang mga panawagan mula sa sektor ng agrikultura na nagsasabing bumagsak ang presyo ng lokal na palay at lalong naghihirap ang mga magsasaka.
Sa harap ng mga mambabatas, nanawagan si Bolos ng kongkretong aksyon at proteksyon para sa mga lokal na magsasaka, na aniya ay “haligi ng seguridad sa pagkain ng bansa.” (Larawan: Facebook)