Diskurso PH
Translate the website into your language:

Pamantasan ng Cabuyao, nagpatupad ng English-Only Policy

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-02-04 19:49:22 Pamantasan ng Cabuyao, nagpatupad ng English-Only Policy

Noong Pebrero 3, 2025, opisyal na inanunsyo ng Pamantasan ng Cabuyao (PnC) sa Laguna ang pagpapatupad ng English-only policy sa lahat ng opisyal na transaksyon, klase, at pakikipag-ugnayan sa loob ng unibersidad. Ayon sa pamunuan ng PnC, layunin ng patakarang ito na itaguyod ang kahusayan sa akademya at global competitiveness ng mga mag-aaral.

Sa isang pahayag, sinabi ng unibersidad, "In line with our vision of developing globally competitive and world-class students, the Pamantasan ng Cabuyao is now an English-speaking campus starting February 3, 2025. This policy applies to students, faculty, staff, and all university personnel to cultivate a strong English-speaking environment."

Ang anunsyo ay mabilis na kumalat sa social media at nakatanggap ng iba't ibang reaksyon mula sa mga netizens. Marami ang nagpahayag ng kanilang pagtutol sa patakaran, na tinawag pa itong "paurong" o regressive. Ayon kay Marcuz Red Tevez, isang estudyanteng nag-aaral ng Asignaturang Filipino, "Pag-igihan muna sana natin ang paghasa sa mga mag-aaral at bawat kabataan na matutuhang maintindihan ang wikang Filipino para sa gano’n ay maging malinaw ang komunikasyon sa bawat isa."

Dagdag pa ni Tevez, ang kahinaan sa sariling wika ay hindi nagpapalakas ng global competitiveness, kundi nagpapahina pa nga. Ang kanyang komento ay nakatanggap ng maraming likes at reactions mula sa mga netizens.

Samantala, si University of the Philippines Assistant Professor Jose Monfred Sy ay nagpahayag din ng kanyang pagtutol sa patakaran. "Napakarami nang pag-aaral mula sa samu’t saring bayan hinggil sa bisa ng paggamit ng wikang pambansa at mga inang wika sa edukasyon," ani Sy. "Pero kaysa sundan ang payo ng mga sosyolinggwist at iba pang eksperto, yuyukod na lang sa mga bansa tulad ng Estados Unidos (na gumagamit naman ng sarili nilang wika)."

Sa kabila ng mga kritisismo, nanindigan ang pamunuan ng Pamantasan ng Cabuyao na ang English-only policy ay makakatulong sa paghubog ng mga mag-aaral na handang makipagsabayan sa pandaigdigang merkado. "Ang aming layunin ay makapag-produce ng mga globally competitive graduates na kayang makipagsabayan sa kahit anong larangan," ayon sa isang opisyal ng unibersidad.

Ang pagpapatupad ng English-only policy sa Pamantasan ng Cabuyao ay patuloy na magiging sentro ng diskurso habang sinusubaybayan ng publiko ang epekto nito sa mga mag-aaral at sa komunidad ng unibersidad.

(Larawan mula kay Erin Tañada)