Babae Nabiktima ng Salisi Gang sa QC Mall
Lovely Ann L. Barrera Ipinost noong 2025-02-25 16:33:03
Isang babae at ang kanyang anak ay abala sa pagbili ng ice cream sa isang mall sa Cubao, Quezon City noong nakaraang linggo nang sila ay mabiktima ng isang Salisi gang, ayon sa mga kuha sa CCTV. Makikita sa footage na tatlong babae ang kalmado at dahan-dahang nilapitan ang biktima, isa sa kanila ay ginamit ang jacket upang takpan ang sling bag ng biktima. Sa mabilis na kilos, kinuha ng suspek ang wallet at cellphone mula sa loob ng bag bago sabay-sabay na umalis ang mga suspek.
Ibinahagi ng mister ng biktima ang kanyang gulat nang matanggap ang tawag mula sa kanyang asawa habang sila ay nasa isang opisina ng telecommunication. "Nagulat ako nang tawagan ako ni misis habang nandoon ako sa opisina ng telco. Sabi niya, nadukutan siya, pero buti na lang hindi nakuha yung spare phone niya," aniya.
Agad na tinawagan ng mag-asawa ang kanilang mga bangko upang i-report ang insidente at i-deactivate ang mga credit card ng biktima. Subalit, nagamit na agad ito ng mga kawatan. "Hindi pa aabot ng 15 o 20 minuto pagkatapos ng insidente, nagamit na yung credit card para bumili ng gadget sa isang mall sa Pasig-Cainta area," dagdag pa ng mister ng biktima.
Ayon sa mga pulis, nagawa ng biktima at ng kanyang pamilya na matunton ang isa sa mga suspek sa labas mismo ng mall. Agad nilang humingi ng tulong mula sa mga pulis na nagpapatrolya sa lugar at nahuli ang suspek. "Nakita siya sa Aurora Boulevard, at sa kabutihang palad, nagpapatrolya ang ating mga pulis kaya nahuli yung suspek," sabi ng isang pulis.
Kasalukuyan nang hinahanap ng mga otoridad ang dalawang iba pang kasabwat na pinaniniwalaang miyembro ng Salisi gang na kumikilos sa mga matataong lugar tulad ng mga mall. "Parang isang grupo sila, dini-distract nila ang atensyon ng biktima para magkaroon sila ng pagkakataong magnakaw," ayon sa isang pulis.
Sa kasamaang palad, hindi nabawi ng mga awtoridad ang mga gamit ng biktima. Nakipag-ugnayan na rin ang biktima sa Anti-Cybercrime Group dahil ginamit ng mga suspek ang kanyang mobile banking apps at nakapasok sa kanyang mga social media accounts. "Nakakakaba dahil hawak nila ang pagkakakilanlan ng aking asawa," pahayag ng mister ng biktima.
Isa sa mga suspek ang nagsalita at nagsabi, "Hindi ko po kilala yung mga binebenta nila sa akin, meet-up lang po sana kami doon."
Nagbigay-payo ang mga awtoridad sa publiko upang mag-ingat at maiwasang mabiktima ng ganitong modus. "Maging aware tayo sa mga tao sa paligid natin, lalo na yung mga hindi natin kilala. I-secure natin ang ating mga gamit at iwasan ang mga matataong lugar, dahil doon nila nakukuha ang pagkakataon na makasalisi," payo ng mga awtoridad.
Ang nahuling suspek ay naharap sa kasong theft.
Larawan: ABS-CBN
